423 total views
July 29, 2020, 3:00PM
Inihayag ng tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila na taliwas ang mga inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-uulat sa bayan sa panawagan ng mamamayan.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, hindi natugunan ng punong ehekutibo ang pangangailangan ng mga Filipino lalo na’t nahaharap sa matinding krisis ang bansa bunsod ng corona virus pandemic.
Dismayado ang obispo sapagkat walang malinaw na tugon ang pinuno ng bansa sa paglutas sa mga suliraning kinakaharap ng mamamayan tulad ng kawalan ng trabaho, kagutuman, at maging ang mass testing.
“He is out of touch; ang mga sinusulong niya ay salungat sa hinihingi ng tao,’ pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Bagamat nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang usapin ng COVID-19 pandemic, bigo itong ilahad sa publiko ang mga konkretong hakbang ng pamahalaan para matulungan ang mamamayan sa epekto ng pandemya lalo’t higit ang humihinang ekonomiya ng bansa.
Sa halip na tutukan ang kasalukuyang krisis, binibigyang pansin ng pangulo ang iba pang usapin tulad na lamang ng pagbuhay sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga mahuhuling lalabag sa Dangerous Drug Act of 2002.
“This is another issue that we have fight against,” giit ni Bishop Pabillo.
Unang sinabi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na bigo ang Pangulong Duterte na pagkaisahin ang mamamayang Filipino sa kanyang SONA para sama-samang babangon mula sa epekto ng pandemya.
Muling iginiit ng simbahang katolika ang paninindigan laban sa death penalty sapagkat ito ay nakalalabag sa utos ng Panginoon at pagpapakita ng kawalan ng paggalang sa karapatang mabuhay ng isang tao.
Read: https://www.veritas846.ph/pangulong-duterte-sinayang-ang-oras-sa-sona/
https://www.veritas846.ph/humble-president-duterte-nais-makita-ng-sambayanang-filipino-sa-sona/