351 total views
Muling ipinaalala ni SIKAP LAYA Inc. lead convenor Rev. Fr. Pete Montallana kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga naging pangako sa mga maralita noong panahon ng kampanya.
Ayon sa Pari, mariing pinanghahawakan ng mga mahihirap na mamamayan ang kanyang naging pangako na pagtulong sa mga maralita partikular na ang pagbibigay ng pabahay.
“Kaya nanalo si Duterte dahil yung pangako niya na talagang lahat ng mga mahihirap yung lalo yung squatter ay mabigyan ng maayos na pabahay pero unfortunately itong NHA has been foot-dragging yung kanyang trabaho…”pahayag ni Father Montallana sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito umaasa si Fr. Montallana na muling mabibigyang pansin ng Pangulo ang kalagayan ng mga mahihirap upang suriin at italaga sa mga pangunahing departamento para sa mga mahihirap ang mayroong puso para sa maralita.
“Sana tuloy-tuloy na mapansin ng ating Presidente yung ilalagay niya diyan sa mga susing mga departamento para sa mahihirap ay yung may puso talaga sa mahirap kasi hirap na hirap ang tao ngayon…” dagdag pa ni Fr. Montallana.
Pagbabahagi pa ng Pari, dapat na personal na makita at masuri ng mga opisyal ng National Housing Authority at mga mambabatas ang tunay na sitwasyon ng mga maralita upang magkaroon na naangkop na pagtugon sa kanilang sitwasyon.
Sa tala ng N-H-A, nasa 3,609 na housing units sa Pandi, Bulacan na para sana sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang inukopa ng mga miyembro ng grupong KADAMAY.
Batay sa tala ng grupong Habitat For Humanity, mahigit 44 na porsiyento ng urban population ng Pilipinas ang walang permanenteng tahanan kung saan 70-libo sa mga ito ay matatagpuan sa Metro Manila.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan ang pagkakaroon ng isang tahanang masisilungan ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat nilalang na siya ring nagbibigay dangal sa pagkatao ng isang indibidwal.