365 total views
Pinagpaliwanag ng grupo ng manggagawa ang Pangulong Rodrigo Duterte sa limang taong panunungkulan sa bansa.
Ito ang panawagan ng NAGKAISA Labor Coalition hinggil sa nalalabing isang taon ng punong ehekutibo sa paninilbihan sa Pilipinas.
Iginiit ng grupo na dapat magbigay ng wastong pag-uulat ang Pangulong Duterte sapagkat mahalagang malaman at pananagutan ito ng pangulo sa mga Filipino.
“After five years in office, the Duterte administration needs to make public accounting as “public office is a public trust”,” pahayag ng NAGKAISA.
Binigyang diin ng grupo na mas naipamalas ng kasalukuyang administrasyon ang madugong kampanya kontra ipinagbabawal na gamot na ikinasawi ng humigit kumulang 30, 000 libong indibidwal na pawang biktima ng extra-judicial killings mula noong 2016.
Bukod pa rito ang 56 na mga union leaders na nasawi sa nakalipas na limang taong panunungkulan ng pangulo kung saan pinakahuling biktima ang mag-asawang Marlon at Fe Ornido na kapwa urban poor leaders at kasapi ng Sentro ng Progresibo at Nagkakaisang Manggagawa (SENTRO).
“NAGKAISA condemns these killings and calls on authorities to expedite their investigation and inform the public on the results of such investigations,” ani ng grupo.
Tinuran din ng NAGKAISA ang bigong pagtupad ng Pangulong Duterte sa ipinangakong wakasan ang kontraktuwalisasyon at ang pag-veto nito sa Security of Tenure Bill na kapwa pasado sa dalawang kapulungan ng kongreso.
Anila, humihina ang kalidad ng trabaho sa bansa at pamamayagpag ng mapanamantalang uri ng pagtrato sa mga manggagawa tulad ng endo, contractual arrangements and part-time jobs, low-pay elementary occupations, at self-employment.
Mas higit pang lumala ang naranasan ng sektor ng paggawa dahil sa COVID-19 pandemic kung saan milyun-milyong mga manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagkalugi ng mga negosyo.
“During the recent CoVID 19 pandemic, highlighted is the poor pandemic response of the Duterte administration which left millions of workers jobless; NAGKAISA observes that Jobs that were lost have not yet returned to their pre-pandemic level as the economy remains in a deep recession,” saad pa ng NAGKAISA.
Gayunpaman, kinilala ng grupo ang mabuting nagawa ng administrasyon tulad ng pagsasabatas ng Universal Health Insurance, Free Tertiary Education (including technical and vocational training) at ang batas na Tulong sa Trabaho bilang suporta at pagbibigay pagsasanay sa mga manggagawa.
Iginiit ng grupo na sa nakalipas na limang taon ng administrasyon kulang na kulang ang mga nagawa nito upang mapaunlad ang bansa at paunlarin ang buhay ng mamamayan.