221 total views
Nanindigan ang dating Obispo ng Kalookan na pinaiiral lamang ang katotohanan sa pagbibigay komento sa mga kaganapan sa bansa lalo na sa mga namamahala.
Ayon kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, nauunawaan nito kung bakit napabilang ito sa listahan na pinaghihinalaang magpapaalis kay Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto dahil sa ilang pahayag nito na hindi sang-ayon sa pamahalaan.
“I can understand kasi minsan na-interview ako ng media may nasasabi akong mga reaction at hindi naman lahat ng reaction ko ay pabor kung minsan nakapagbibitiw din ako ng mga hindi pabor sa gobyerno kasi sa katunayan we are just observing, sinasabi namin yung nasa kalooban namin na maaring siya ang katotohanan na dapat umiral,” pahayag ni Bishop Iñiguez sa Radio Veritas.
Ang tugon ng Obispo ay kaugnay sa listahan na inilabas ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa social media tungkol sa mga personalidad at establisimiyentong nagsama-sama upang paalisin sa puwesto si Pangulong Duterte.
Kabilang sa listahan sina Caloocan Bishop at CBCP Vice President Pablo Virgilio David, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Novaliches Bishop Antonio Tobias, San Pablo Bishop Emeritus Leo Drona, Bishop Julio Labayen na namayapa na noong Abril 2016 isang buwan bago ang halalan at isang Bishop Arturo Santos na wala sa listahan ng mga Obispo sa Pilipinas.
Kaugnay dito itinanggi ng Malacañang na may kaugnayan ito sa ipinaskil na listahan sa social media account ni Paolo Duterte at iginiit na iginagalang lamang ng pamahalaan ang kalayaan sa paghahayag ng bawat indibidwal.
MATUTONG TUMANGGAP SA POSITIBONG PARAAN
Dahil dito hinimok ni Bishop Iñiguez ang pamahalaan na matutuhang tanggapin ang mga reaksyon ng mamamayan dahil hinahangad ng bawat isa ang kabutihang panlahat.
“Sana ang gobyerno ay magkaroon din ng tamang pagtanggap ng mga reaksyon kahit na mga negative reaction upang maiwasto kung ano ang hindi tama,” ani ni Bishop Iñiguez.
Sinabi ni Bishop Iniguez na hindi dapat mamasamain ng pamahalaan at ng mga nanunungkulan ang mga puna ng mamamayan dahil ipinakikita lamang dito ang tunay na kalagayan ng pamayanan na mahalagang bigyang pansin.
Ipinaliwanag ng Obispo na dapat alamin ng mga namumuno ang mga pangyayari sa bayan at matutong timbangin upang magkaroon ng wastong pagbalanse sa magiging tugon sa ikalulutas ng bawat suliranin.
PANAWAGAN SA MAMAMAYAN
Hinikayat din ni Bishop Iñiguez ang mamamayan na makipagtulungan sa pamahalaan para sa ikatatagumpay ng buong bansa at makamit ang pagkakaisa.
“In the opportunities na puwede tayo makipag-cooperate, let us cooperate with them,” pahayag ng Obispo.
Bukod dito ay hiniling din ng Chairman ng Ecumenical Bishops’ Forum sa mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang Pangulong Duterte na gabayan sa kaniyang pamamahala sa bayan.
Magugunitang sunod-sunod ang pagbatikos ng Pangulo laban sa Simbahan at sa mga namumuno dito tulad ng pag-akusa kay Bishop Ambo David ng pagnanakaw sa koleksyon ng Simbahan at isinangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamut.
Kinakalinga ni Bishop David ang mga biktima ng masamang epekto ng droga sa pamamagitan ng church based drug rehabilitation program at pag-aruga sa mga maybahay at kabataang naulila dahil sa extra judicial killings na batay sa tala ng mga human rights group ay higit na sa 20, 000 ang bilang ng nasawi.