186 total views
Mahalaga ang kalusugan at kalagayan ng punong Ehekutibo bilang pinuno at kinatawan ng bansa sa International Community.
Ito ayon kay Atty. Domingo Callosa ng Integrated Bar of the Philippines base sa inilalahad ng Saligang Batas ng bansa.
Sinabi ni Callosa na nakalahad sa 1987 constitution na kailangang ipaalam sa mamamayan ng isang Pangulo ng bansa ang tunay na kalagayang pangkalusugan kung ito’y malala na.
“Sa ating konstitusyon nakalahad doon na kung saka-sakaling ang kalusugan o kalagayan ng presidente ay nanduon sa punto na hindi na niya kayang gampanan ang kaniyang tungkulin bilang presidente, malinaw ang order ng Constitution na kinakailangan itong ipaalam sa taong bayan,” ayon kay Callosa.
Ipinaliwanag ng eksperto na hindi maaring magkaroon ng puwang ang posisyon sakaling hindi na magampanan ang tungkulin ay awtomatiko itong papalitan ng bise presidente.
“We are entitled to the privacy of our Medical conditions, pero kung humantong na malala na hindi na kayang gampanan ang trabaho niya. Obligasyon na niya, kaniyang Doctor at mga Opisyal ng Malacanang,” ayon pa kay Atty. Callosa.
Ipinaliwanag ni Atty. Callosa na noong panahon ni dating Pangulong Marcos ay itinago sa publiko ang kalagayan ng Pangulo dahilan upang ilagay ang batas sa 1987 Constitution ng Administrasyong Aquino.
Inamin ng Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon siyang iniindang sakit bagama’t itinangging ito ay malala na.
Ang Pangulong Duterte ang ika-16 na pangulo ng bansa at ang kauna-unahang punong ehekutibo na mula sa Mindanao.
Siya rin ang pinakamatandang naupo bilang pangulo ng Pilipinas sa edad na 71.
Sa hiwalay na pahayag, hinikayat ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang Pangulo na gawin ang nararapat at tupdin ang mga binitiwang pangako sa mamamayan dahil ang pagbibitiw ay isang pag-amin ng pagkukulang sa pamamahala.