23,849 total views
Hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity si pangulong Rodrigo Duterte na tingnan muna ang mga nagawa nito sa bansa bago bantaan ang kaniyang mga kritiko.
Ayon sa Obispo, kung nagbibiro na naman ang Pangulo ay hindi na dapat ito pansinin subalit kung seryoso si Duterte sa kanyang pahayag ay maaaring wala na ito sa katinuan.
“Una sa lahat tingnan natin baka nag-jo-joke na naman siya. Pero kung hindi siya nag-jo-joke, yan po ay isang concern na masasabi nating may serious [problem] ang presidente, he is out of his mind.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Bishop Pabillo na bahagi ng demokrasya sa bansa ang paghahayag ng mga puna sa mga namumuno sa bayan upang mas mapabuti ang kalagayan ng lipunan.
Ayon sa Obispo, hindi dapat gamiting solusyon ang pagpatay sa mga kritiko upang maipakita na inaalala ng isang pinuno ang kanyang bansa.
Iginiit ng Obispo na ang tunay na “concern” o pag-alala sa bayan ay naipakikita sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga punang ibinabato sa administrasyon.
“Ba’t hindi n’ya tingnan yung kan’yang pamamahala? Kasi may problema talaga s’ya sa kan’yang pamamahala na marami sa mga pangako n’ya hindi naman natutupad at naghihirap yung bayan, so yun dapat ang kanyang tingnan. Sa halip na kapag may nagpupuna sa kan’ya ang kanyang solusyon ay patayin ang solusyon n’ya dapat, kung talagang concerned s’ya sa bayan ano yung mga pagpupuna tama ba?” dagdag pa ng Obispo.
Iginiit ng Obispo na lahat ng mamamayan ay may pakialam sa bayan kaya naman mas dapat pang pasalamatan ng pangulo ang kan’yang mga kritiko dahil nais lamang nitong makatulong sa pagsasaayos ng bansa.
Nanindigan naman si Kidapawan Bishop Jose Collin Bagaforo na ang pagiging tahimik ay matibay na palatandaan ng hindi pagsang-ayon.
Ito ang tugon ng Obispo sa panibagong pahayag ni Duterte na patayin ang mga Obispo.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na dapat ipadama sa Pangulo na binabalewala at hindi pinakikinggan ang kaniyang mga sinasabi sa taumbayan.
“Minsan silence is a sign of protest. Minsan silence can be a stronger …meaning of saying no,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Sa pahayag ni Pangulong Duterte awarding ceremony ng 2017 Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities na ginanap sa Malacañang tila hinimok nito ang mamamayan na patayin ang mga Obispo dahil sa pamumuna sa kaniyang pamamalakad sa bansa.
Magugunitang una nang inakusahan ng Pangulo si Caloocan Bishop at CBCP Vice President Pablo Virgilio David ng kurapsyon at isinangkot sa iligal na droga dahil sa hayagang pagpuna ng Obispo sa mga maling polisiya ng kasalukuyang administrasyon.
Aktibo si Bishop David sa pagkalinga sa mga biktima ng iligal na droga sa pamamagitan ng inilunsad na Salubong program, isang Church at community based drug rehabilitation program ng Diyosesis ng Caloocan upang tulungan ang daan-daang lulong sa iligal na droga.
Bagamat sang-ayon ang Simbahan sa adhikain ng pamahalaan na sugpuin ang ipinagbabawal na gamot sa lipunan ay nanindigan din itong dapat pairalin ang tamang prosesong nakasusunod sa batas at hindi ang pagpaslang sa mga itinuturong sangkot sa iligal na gawain.