5,236 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na patuloy matutugunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang suliranin sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, dapat makahanap ng mga pamamaraan ang pamahalaan na maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino gayong nararanasan pa rin sa bansa ang mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.
Ito ang pahayag ng obispo kaugnay sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr. sa July 24.
“Ibig nating makita na i-address ng ating pangulo ang economic situation ng ating mga kababayan, we are on inflation stage maraming mga kababayan natin ang naghihirap at hirap hirap to be able to provide themselves with basic needs in their families,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Aniya nawa’y mapaigting ng administrasyon ang paglikha ng mga trabaho para sa bawat Pilipino gayundin ang pagpapalakas sa bawat sektor ng lipunan kabilang na ang agrikultura na titiyak sa food security ng bansa na isa sa pangunahing pangangailangan ng tao.
Bagamat naitala ng Philippine Statistics Authority ang 5.4 percent inflation rate noong Hunyo mas mababa kumpara sa 8 percent noong Enero ramdam pa rin ng 94 na porsyentong kabilang sa young labor force ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.
Bukod dito hinimok din ni Bishop Bagaforo ang administrasyong Marcos na palakasin ang transportasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga imprastrakturang makatutulong sa mamamayan para sa mas mabilis na pagkilos at kalakalan.
Gayunpaman binati ng obispo si Pangulong Marcos Jr. sa isang taong paglilingkod sa mga Pilipino at pagsusumikap na mapunan ang pangangailangan ng lipunan.
“Ang ating pagbati sa ating pangulo after one-year siya ay nagpakita ng kanyang sinseridad sa pagsilbi sa ating bayan at sa ating mga kababayan,” ani Bishop Bagaforo.
Tiniyak ni Bishop Bagaforo na suportado ng simbahan ang mga hakbang ng pamahalaan na makatutulong sa mamamayan kasabay ng pagpapaigting sa social programs ng humanitarian, development at advocacy arm ng simbahan sa Pilipinas.