1,050 total views
Tinukoy ng CBCP NASSA/ Caritas Philippines ang mga pangunahing suliranin sa bansa na dapat gawing prayoridad ng susunod na administrasyon.
Ayon kay Rev Fr. Edwin Gariguez – Executive Secretary ng komisyon, titiyakin nitong maihahayag sa susunod na administrasyon ang mga inilatag nitong suliranin sa ating lipunan.
“Gawin natin na itong mga isyu na hinaharap ng sambayanang Filipino ay ihain sa ating papasok na administrasyon,” pahayag ng Pari.
Kabilang sa mga ito ang pagbibigay ng proteksyon sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda, paggalang sa karapatan at lupain ng mga katutubo, at pagbibigay dignidad sa mga inaabusong manggagawa.
Pagbigay ng kaukulang pansin para makamit ang climate justice sa pamamagitan ng pagkansela sa permit ng mga planta ng coal power plants, at pagtataguyod sa renewable energy.
Kabilang rin dito ang pagsasaayos ng Alternative Minerals Management Bill at pagpapataw ng suspension o tuluyang pagpapasara sa mga mining violators.
Kasama rin sa hiling ng grupo ang paglalaan ng mas malaking pondo sa Disaster response team ng mga lokal na pamahalaan at pagtatatag at pagbibigay ng trainings sa National and Regional Disaster Risk Reduction Management.
Inihayag ni Fr. Gariguez na naniniwala ang simbahan na sa pagtugon ng susunod na administrasyon sa pangunahing suliranin ng sambayanang Filipino, ay sabay-sabay ang magiging hakbang ng bawat isa tungo sa pag-unlad.
“Naniniwala tayo na ito yung kaunlarang nararapat na walang naiiwan kundi, sinasaalang-alang rin yung kapakanan ng kalikasan,” dagdag ni Fr. Gariguez.
Nilinaw ng Pari na ang lahat ng tinukoy nitong problema sa ating lipunan ay nilatagan ng matibay na pag-aaral at solusyon ni Pope Francis sa Laudato Si.
Dahil dito, umaasa si Fr. Gariguez, na magsisilbing gabay ang Laudato Si, sa mga mamumuno sa papasok na administrasyon.
Magugunitang sa resulta ng SWS Survey sa huling bahagi ng 2015, limampung porsyento ng mga pamilyang Filipino ang nagsasabing sila ay mahirap, katumbas ito ng 11.2 milyong mga pamilya sa bansa.
Kaya naman sang-ayon sa pahayag ni Saint John Paul II, dapat tiyakin ng gobyerno na sa pagpapatakbo nito ng buong bansa ay dapat pantay-pantay ang serbisyo at pangangalagang natatanggap ng bawat mamamayan.