196 total views
Inihayag ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos na malaking biyaya para sa mga Filipino ang nakatakdang pagdiriwang ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Misa de Gallo sa Roma.
Ayon kay Bishop Santos, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Pontifical Collegio Filipino, magandang pagkakataon ito para makiisa at ibahagi ang biyaya ng pananampalataya ng mga Filipino sa kapwa lalo na sa mga dayuhan.
“With Holy Father to celebrate Misa de Gallo in Saint Peter’s Basilica recognises our deep faith and his love for us [Filipinos],” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Scalabrinian missionary Reverend Father Ricky Gente ng Filipino chaplaincy sa Roma, ito ang kauna-unahang pagkakataon na pangungunahan ng Santo Papa ang ‘simbang gabi’ na bahagi ng tradisyon ng mga Filipino.
Binigyan diin ni Bishop Santos na ito ay pagkakataon na magkaisa ang mga migranteng Filipino upang maipalaganap ang pananampalataya maging sa ibang bansa.
“Our Misa de Gallo is very well known, very much attended not only our OFWs but even foreign nationals; it renews our Catholic practices and customs, solidifies and unites our OFWs with countrymen and our means to spread our Catholic Faith,” ani ng opisyal.
Umaasa ang obispo na hindi sayangin ng mga O-F-W ang pagkakataong inilaan ni Pope Francis na makibahagi sa tradisyon ng mga Filipino ang simbang gabi o siyam na araw na paghahanda sa kapanganakan ng Panginoong Hesus.
Sinabi ni Fr. Gente na bukas ang Basilica para sa 7,500 makiisa sa pagdiriwang kabilang na ang kinatawan ng Pilipinas sa Holy See na si Ambassador Grace Relucio-Princesa at ang kinatawan ng Italya na si Domingo Nolasco.
Ganap na alas kuwatro y media ng hapon, oras ng Roma ang pagdiriwang ng Banal na Misa.
Dahil dito hinimok ni Bishop Santos hindi lamang ang komunidad ng mga Filipino kundi higit sa lahat ang mga Pari ng Pontificio Collegio Filipino na makiisa sa unang pagkakataong pagdiriwang ng Santo Papa ng Simbang Gabi.
“We asked our OFWs to attend, our priests especially our Pontificio Collegio Filipino priests to concelebrate. This is a great grace-filled event that they should not miss. With the Holy Father celebrating our traditional Simbang Gabi is our beloved Pope Francis’ blessing to our country.”paanyaya ni Bishop Santos.