1,848 total views
Palawigin ang service contracting at maglaan ng sapat na pondong para sa sektor ng tranportasyon.
Ito ang apela ng Commuters at Transport group na Move as One Coalition sa pamahalaan sa panibagong taas pasahe na ipatupad noong ika-8 ng Oktubre 2023.
13-pesos ang minimum fare sa mga traditional jeepneys at 15-piso naman sa mga modern jeepney units gayundin sa bus .
Iginiit ni Reycel Hyacenth Nacario Bendaña, ng Move as One Coalition na hindi tamang ipataw sa commuters at transport workers ang pasakit ng patuloy na pag-taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Ang panawagan ay gamitin ng gobyerno yung pondong nakalaan para sa pampublikong transportasyon na pinaglaban ng ating mga commuters at transport workers ng mga nakaraang taon para mabigyan ng abot-kayang serbisyo ang ating mga commuters at hindi masakripisyo ang kita ng ating mga transport workers sa kanilang pang araw-araw,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bendaña.
Tiwala din si Bendaña na sa tulong ng service contracting kung saan magkakaroon ng itinakdang kita ang mga public utility vehicle drivers at konduktor ay maiiwasan na maipasa sa mamamayan ang pasakit.
Maaring magamit ang mungkahi ng grupo sa pang-matagalang pamamaraan dahil sa kasalukuyan ay hindi tiyak ang magiging paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa Oil Deregulation law.
Unang nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Public Affairs sa pamahalaan na dinggin ang apela ng mamamayan upang maipatupad ang wastong katarungang panlipunan.