332 total views
Kinundina ng obispo ng Diocese of San Carlos ang panibagong kaso ng karahasan at pagpaslang na naganap sa lalawigan ng Negros.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, hindi katanggap-tanggap ang sinapit ni Mariano Antonio “Marton” Cui III – provincial consultant on hospital operations ng Negros Occidental na marahas na pinaslang sa harapan mismo ng kanyang himpilan sa San Carlos City.
Paliwanag ng Obispo, sadyang kasuklam-suklam ang patuloy na karahasan at pagpaslang na nagaganap na lalawigan na patuloy na nagsasantabi sa dignidad at kasagraduhan ng buhay ng bawat isa.
Iginiit ni Bishop Alminaza na dapat ng mawakasan ang walang katuturang kultura ng karahasan at kamatayan sa lalawigan ng Negros.
“We are shocked! This is totally unexpected! As your pastor, I strongly condemn this abominable assault on the primacy and sanctity of human life! His death is another mark of senselessness on the use of violence against human life. When will these killings stop? This culture of death must end!” Ang bahagi ng pahayag ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Muli ring binigyang diin ng Bishop Alminaza ang naging panawagan o pastoral plea ng mga Obispo ng Negros noong Hulyo ng taong 2019 upang mawakasan na ang karahasan sa lalawigan na patuloy na bumibiktima sa mga inosente at mga walang kalaban-laban kabilang na ang mga uring manggagawa, magsasaka, civil society leaders at maging mga lingkod bayan.
Muli ring umapela ang Obispo sa mga alagad ng batas na iprayoridad at tutukan ang sitwasyon at karahasang nagaganap sa lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan at mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng walang saysay na pagpatay.
“In July 27, 2019 – We, four Bishops in Negros issued a collegial pastoral plea to end the killings in Negros Island. We re-iterate our call for an end to violence in Negros island, victimizing our very own people —farmers, civil society leaders and even government officials. Our police force must be resolute in solving the crimes and acts of violence with due dilligence, assuring our people of the need of a secured society.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Matatandaang sa pamamagitan ng isang Pastoral Appeal na may titulong ‘Exhortation to Government to Act on Ending the Killings’ noong 2019 ay inatasan ni Bishop Alminaza ang lahat ng mga parokya, mission stations at religious houses sa diyosesis na magpatunog ng kampana tuwing alas-otso ng gabi hanggang sa tumigil ang karahasan sa lalawigan.
Ayon sa Obispo, sinisimbolo ng tunog ng kampana ang panalangin at hinaing ng mga mamamayan sa Panginoon na pukawin ang puso ng mga kriminal na nagkakalat ng karahasan at maging ng mga otoridad upang bigyan ng katarungan ang mga biktima ng mga pagpaslang.