24,988 total views
Nanindigan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi maaring balewalain ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hauge Netherlands na pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea noong June 12, 2016.
Ito ang binigyan diin ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Office on Stewardship sa ika-walong anibersaryo ng naging tagumpay ng Pilipinas sa arbitration kaugnay sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagpapasalamat sa Diyos kaugnay sa landmark international ruling ay mahalagang panindigan at bigyang diin ng Pilipinas ang pagmamay-ari sa West Philippine Sea na naaayon sa international law o pandaigdigang batas.
“Una magpasalamat po tayo sa Diyos dahil sa international ruling na ito na talagang ang West Philippine Sea ay atin, pangalawa ay dapat natin itong idiin kasi we are following international law, ayon sa batas international yan po ay sa atin kaya dapat natin itong idiin at huwag natin itong babalewalain. So yun yung gusto kong mensahe sana ang mga Pilipino ay mas maging conscious na ang pinaninindigan natin ay yan din ang pinaninindigan ng international law kaya hindi tayo lumalabag sa batas at dapat natin yang i-emphasize sa mga tao.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Bishop Pabillo sa pakikibahagi at pagsubaybay ng Kanyang Kabanalan Francisco at ng Vatican sa sitwasyon na kinahaharap ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Pagbabahagi ng Obispo, batid ng Santo Papa ang suliranin ng bansa sa soberenya nito sa pinag-aagawang teritoryo at iginiit na dapat na tuwinang isulong ng Simbahan ang mapayapang paglutas sa usapin ng naayon sa batas.
“Alam ng Holy Father, alam ng Vatican itong situation natin kasi nagrereport naman sa kanila ng pangyayari at ayon din po sa Vatican na ang mga controversy ay dapat na solusyonan according to law, ayon sa batas kaya dito po sa ating paggigiit na ito ay igalang ng China at yun din po yung sabi natin sa Simbahan that we move according to law para maging mapayapa.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Matatandaang sa naging pagbisita ni Vatican Secretary for Relations with States Archbishop Paul Gallagher sa Pilipinas ay nanawagan ang opisyal ng Vatican sa mga umaangkin ng teritoryo sa West Philippine Sea na sumunod sa pandaigdigang batas at lutasin ang suliranin sa mapayapang paraan.
June 12, 2016 ng lumabas ang resulta ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hauge Netherlands noong pabor sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China hingil sa Maritime Entitlement ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na dinaraan ng tinatayang umaabot sa higit 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal mula sa iba’t ibang bansa kada taon.