1,137 total views
Pinaalalahan ng mga eksperto ang publiko na tigilan na ang paninigarilyo dahil sa patuloy na banta na idinudulot nito sa kalusugan at kalikasan.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Caritas Manila Health Program Consultant, Dra. Madeliene De Rosas-Valera, malaki ang nagiging epekto ng paninigarilyo sa pagtaas ng kaso ng mga nagkakaroon ng Covid19 at iba pa na mga malulubhang karamdaman.
Kasabay ng paggunita sa No Tobacco Month ngayong buwan ng Hunyo hinikayat ni Dra. Valera ang mga naninigarilyo na talikdan na ang nasabing bisyo at isa-alang alang ang ating mga mahal sa buhay na maaring magkasakit dahil dito.
“Isipin po ninyo hind lang katawan nyo ang napupurwisyo, maging ang sarili mong kasama sa bahay, mga mahal mo sa buhay, mga kasama mo sa opisina, yun naiiwan ng smoke sa pader na maaring malanghap ng anak mo o apo tapos environment impact pa nito.”pahayag ni Dra. Valera.
Nanindigan si Dra. Valera na ang paninigarilyo ay maaring maging dahilan upang mabilis na dapuan ng sakit gaya ng Covid19.
“Sinasabi nga ng WHO kapag ikaw ay naninigarilyo it increases yung risk mo para magkaroon ka ng viral infection kasi nga yun cigarette smoking para kang nagne-necrosis, namamatay ang iyong cells” ani Dra. Valera.
Sinabi pa ni Dra. Valera na maging ang Electronic cigarette o vaping ay masama din ang epekto sa ating pangangatawan kaya’t hindi ito dapat tangkilikin lalo na ng mga kabataan.
Aniya, ang paninigarilyo ay isang uri ng adiksyon kaya’t kailangan ng ibayong suporta mula sa pamahalaan upang ito ay tuluyan ng tigilan.
“Ang gobyerno, ang DOH maliban sa sin tax na para makalikom ng pera ay meron na tinatawag na smoking cessation program… sabi ko nga iyan ay parang addiction hindi mo mapipigil.. kailangan ng pasensya at maipaliwanag mo sa naninigarilyo na dapat sa kanyang sarili ay magkaroon talaga ng kagustuhan na mag-stop sa smoking” dagdag pa ng dating undersecretary ng Department of Health.
Batay sa datos ng World Health Organization, umaabot sa 600 libong indibidwal ang namamatay kada taon dahil sa exposure sa tinatawag na second hand smoke. Ang Pilipinas ay isa sa 15 mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming tobacco related ill health.