289 total views
Manila,Philippines — Dismayado ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa renewal ng 25-taong prangkisa ng estasyon.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM, ang nangyari sa media network ay isang palatandaan na talagang may malawak na sistema ng paniniil sa demokrasya ng bansa partikular sa karapatan at kalayaan sa pamamahayag.
Tinukoy rin ng Pari ang pananaig ng kultura ng diktadurya na muling lumalaganap sa bansa matapos ang martial law.
“Para sa amin sa AMRSP kasi talagang malungkot at kangingitngit-ngitngit na araw yung nangyari kahapon kasi para sa amin ay ito ay isang palatandaan na talagang merong isang malawakang sistema na sumisiil sa ating demokrasya especially sa karapatan ng pamamahayag at yung kultura na meron talagang diktadurya na meron sa Pilipinas…”pahayag ni Fr. Cortez, sa panayam sa Radio Veritas.
Tinukoy ng Pari na ang mga nagaganap sa bansa ay senyales na nauulit muli ang mga nangyari noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nilinaw ni Fr. Cortez na bagamat maraming mga aspekto ang natalakay sa 12-araw na pagdinig sa aplikasyon ng franchise renewal ng ABS-CBN sa Kongreso ay kapansin-pansin na tanging mga pansariling kapakanan at interes ng ilang mga mambabatas ang nangibabaw.
Iginiit ng Pari na higit na nakadidismaya ang hindi pagsasaalang-alang ng mga Kongresista sa kapakanan ng mahigit 11,000 manggagawa ng media network na mawawalan ng trabaho lalo na sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19 sa bansa.
“Parang nauulit na naman yung nangyari nung panahon ng Martial Law at alam namin na maraming aspekto ang tiningnan pero parang pansariling kapakanan lalong lalo na ng mga kongresista at saka ng pulitiko yung nangibabaw pero hindi nila isinaalang-alang yung 11,000 mga manggagawa ng ABS-CBN at ang karamihan dun sila yung mga nasa baba, nakakalungkot na nangyari pa ito sa panahon ng pandemya…”Dagdag pa ni Fr. Cortez.
Ayon sa Pari, kung talagang mayroong mga pananagutan ang ABS-CBN sa ilalim ng batas ay dapat itong idaan sa tamang proseso at paraan upang maitama at maisaayos sa halip na ganap na tanggalan ng pagkakataon at ipatigil ang buong operasyon nito.
Binigyang diin rin ni Fr. Cortez ang malaking kawalan ng ABS-CBN lalo na sa gitna ng pandemya kung saan higit na kinakailangan ang mapagkukunan ng mga balita, impormasyon at maging ng aliw.
Matapos ang 12 araw na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises katuwang ang House Committee on Good Government and Public Accountability ay inaprubahan ng mga miyembro at ex-officio members ng komite sa botong 70 na Yes, 11 na No, 2 ang nag-inhibit, at 1 abstain ang resolusyon na hindi dapat bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Naglabas din ng opisyal na pahayag ang AMRSP kaugnay maituturing na paglabag sa karapatang pantao at tuwirang pagpatay ng demokrasya at malayang pamamahayag sa bansa.
Naunang nagpahayag ng pagdismaya si CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila sa pagbasura ng House of the Representative sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Read: https://www.veritas846.ph/obispo-dismayado-sa-pagbasura-ng-mga-kongresista-sa-abs-cbn-franchise-renewal/