692 total views
Tiniyak ng Catholic Bishop Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang patuloy na paninindigan ng Simbahang Katolika laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Sa paggunita ng Coalition Against Death Penalty (CADP) sa ika-16 na anibersaryo ng paglagda sa Republic Act (RA) 9346 o ang batas na nagbabawal sa parusang kamatayan sa Pilipinas, binigyang-diin ni Legazpi Bishop Joel Baylon na hindi magbabago ang paninindigan ng Simbahan sa kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang.
Ayon sa Obispo, sa Santo Papa Francisco mismo nagmula ang panawagan na kumilos ang lahat upang mawakasan na parusang kamatayan sa iba’t-ibang bansa sa buong daigdig at matiyak ang pagbibigay halaga sa kasagraduhan ng buhay.
“The Holy Father and he himself said that we are going to work hard so that this death penalty will totally be stopped in the entire globe, in the whole world and so we do our part as well here as we continue to work on this Coalition Against the Death Penalty and we work together to defend the sanctity of life in the first place as it is a gift from God,” pahayag ni Bishop Baylon.
Ibinahagi ng Obispo na biyaya ng Panginoon ang buhay na dapat ipagtanggol at pahalagahan.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na bahagi ng pagiging kawangis ng Panginoon ay ang dignidad ng buhay ng bawat isa.
“Ganundin ‘yung likas na dangal ng tao, this beautiful term that we have in Tagalog, this inalienable dignity of the human person because he or she comes from God and this must never be taken for granted and must not be removed by any human person no matter what wrong he may or she may have done no crime no evil removes that dignity of the human person as the image of God,” dagdag pa ni Bishop Baylon.
Tema ng naging pagtitipon ang “Paninindigan sa Dignidad ng Buhay Ipagpatuloy, Paigtingin!” (Let us Strengthen and Intensify our Stand for the Dignity of Life!) bilang paggunita sa ika-16 na anibersaryo ng paglagda sa Republic Act (RA) 9346.
Taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang batas na nagbubuwag ng Death Penalty sa bansa kung saan sa ilalim rin ng Administrasyong Arroyo ng nilagdaan ng Pilipinas ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na nagbabawal sa mga kaisang bansa na muling ibalik ang parusang kamatayan.