667 total views
Inihayag ng Obispo ng Borongan na ang paggalang sa mga babae ay konkretong pagpapakita ng tunay na pagmamahal.
Ito ang pagninilay ni Bishop Crispin Varquez sa paninindigan ni Supreme Court Associate Justice Jose Reyes Jr. na imoral ang pakikipagtalik sa labas ng sakramento ng kasal.
Ayon kay Bishop Crispin Varquez, ang pagtatalik ay nakalaan sa mga mag-asawa lamang kaya’t hindi wasto ang premarital sex lalo na sa mga kabataan.
“If you respect the woman, your girlfriend, that’s an expression na mahal mo ang tao dahil hindi mo magagawa ang mga bagay na hindi nararapat,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Sa interview ng Judicial Bar Council sa mga naghahangad na maging chief justice ay naitanong ni retired Justice Noel Tijam kay Justice Reyes ang pananaw hinggil sa premarital sex na nakabatay sa panukala ng Indonesia na ipagbawal ang premarital sex sa kanilang bansa.
Nanindigan si Justice Reyes na imoral ang pagtatalik ng babae at lalaki na hindi pa kasal at isang malinaw na paglabag sa moral law.
Kinatigan ni Bishop Varquez ang pahayag ni Justice Reyes na ang pag-iibigan ng lalaki at babae ay kinakailangan ng pagbabasbas sa pamamagitan ng sakramento ng kasal sa pananampalatayang Katoliko.
“Totoo na imoral ang premarital sex dahil ang mag-asawang kasal lamang ang may karapatan na gagawin ang bagay na ‘yun,” ani ni Bishop Varquez.
Sinabi ng Obispo na patuloy ang katesismo ng Simbahan hinggil sa sagradong gawain ng mag-asawa upang higit na maunawaan ang mga katuruan.
Sa isang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga kabataan sa Italya sinabi nitong ang pakikipagtalik ay sagrado at biyaya ng Panginoon sa mag-asawa upang maging katuwang sa paglikha ng buhay at pagpalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2016 karamihan sa mga kabataang edad 15 hanggang 24 na taong gulang ay nakikipagtalik bago pa man maikasal kung saan 35.5 porsyento ay mga lalaki habang 28.7 porsyento naman ang mga babae.
Dahil dito hinimok ni Bishop Varquez ang mamamayan lalo na ang mga magulang na paigtingin ang paggabay sa kabataan upang maiwasan ang mga bagay na hindi nararapat gawin tulad ng premarital sex.
“Tinatawagan ko ang mga magulang at mamamayan na turuan ang mga kabataan sa moral na pamamaraan na nakasusunod sa katuruan ng Panginoon,” saad ni Bishop Varquez.
Hinikayat pa ni Bishop Varquez ang bawat mamamayan lalo na ang hindi pa mag-asawa na matutuhang isakripisyo ang mga personal na pangangailangan at hintayin ang wastong panahon para gawin ang sagradong bagay.
Si Justice Reyes ay aktibong kasapi ng Simbahang Katolika bilang Lay Minister sa isang parokya at nagsisilbing Board of Trustees ng Knights of Columbus kaya’t kinilala nito ang malaking ambag ng mga turo ng Simbahan bilang gabay sa paglilingkod sa pamahalaan.