325 total views
Mga Kapanalig, dalawang linggo na ang nakalipas ngunit patuloy pa rin ang ating pasasalamat at pagkamangha sa tagumpay ng isinagawang “Walk for Life” na inorganisa ng Sangguniang Laiko ng Pillipinas. Tinatayang hindi bababâ sa 10,000 ang tumugon sa panawagan ng Laiko upang maglakad at manindigan para sa buhay. Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw nang magdatingan sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta ang iba’t ibang grupo mula sa kani-kanilang mga diyosesis at parokya, trans-parochial communities, mga paaralan, NGOs, kabilang na ang mga relihiyoso, pari, at mga obispo.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na siya ring presidente ng CBCP, ang Walk for Life ay hindi pagbabalewala o pagpapalampas sa mga nangyayaring kasamaan sa ating lipunan. Hindi nito ipinagtatanggol ang maling gawain ng mga nalulong sa droga o mga nagtutulak nito. Hindi rin ito paglimot sa mga biktima ng krimen. Ayon pa kay Archbishop Soc, may proseso ang paghatol sa isang pinaghihinalaang kriminal at may proseso rin upang magawaran ng katarungan ang kanilang mga nabiktima. Dapat arestuhin, kasuhan, hatulan at ikulong ang isang nagkasala upang maiwasto ang kanyang pagkakamali. Dapat mapatunayan ang pagkakasala sa korte ng batas—hindi sa batas ng bala. Kaya nga raw, ang Walk for Life ay hindi dapat ituring bilang isang kilos-protesta, kundi isang pagpapahayag ng paninindigan para sa kasagraduhan ng buhay ng bawat tao na nagmumula sa Panginoon. Ang Walk for Life, samakatuwid, ay isa ring Walk for God.
Kung paano naman pinaninindigan ang buhay ang punto ng pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. Hindi lamang niya tinukoy ang mga nakadalo. Kumbinsido siya, gaya ng marami, na kahit ang mga wala sa Luneta ay patuloy na naninindigan sa buhay. Para kay Cardinal Chito, kailangan daw na araw-araw tayong manindigan para sa buhay. Kahit na mawalan pa tayo ng kasamang maglakad, patuloy daw tayong maglakad. Saan daw tayo maglalakad para sa buhay? Ayon kay Cardinal Chito, “sa tahanan, sa barangay, sa ating mga kalye, sa mga paaralan, sa tindahan, sa mga opisina, sa bangketa, sa mga umpuk-umpukan, sa sinehan, sa plaza, at sa lahat ng sulok at larangan ng lipunan.” Huwag daw tayong matakot na ipakita sa mundo na handa tayong manindigan para sa buhay at ipaglaban ang kahalagahan nito. Ngunit pagdiriin niya, ang ating paninindigan ay hindi dapat mahaluan ng karahasan, hindi na dapat pagbayaran ang kasamaan ng karahasan, bagkus, itinatama natin ang anumang mali sa pamamagitan ng mapayapang paraan; sa Catholic social teaching, ito ang prinsipyo ng “active non-violence.”
Tayong mga miyembro ng Simbahan–mga relihiyoso, pari at laiko—ay may karapatang ipahayag, hindi lang ang nais nating iparating sa publiko at pamahalaan, kundi ang ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Hindi ito maaaring hadlangan ng estado. Ito ang isinasaad sa ating Saligang Batas, partikular sa Prinsipyo ng Paghihiwalay ng Simbahan at Estado: “Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihiyon, o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng pagpapahayag ng relihiyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili…”
Kaya sa mga nagsasabing labag sa batas ng estado ang pagbatikos ng Simbahan sa ilang patakaran ng pamahalaan, pakibasa na lang po ang ating Konstitusyon: malinaw na ang estado ang hindi maaaring lumabag sa pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado, dahil ang estado naman ang gumagawa ng mga batas, hindi ang Simbahan.
Ang malayang pamamahayag at pagsasabuhay ng pananampalataya ay bahagi ng pakikiisa ng mga tao sa lipunan. Sa katunayan, hindi lamang ito isang pantaong karapatan para sa Simbahan kundi isang tungkuling dapat gampanan ng lahat nang may pananagutan at pagtanaw sa kapakanan ng lahat. Samakatuwid, maituturing din ang Walk for Life, hindi lamang bilang Walk for God kundi Walk for All.
Sumainyo ang katotohanan.