11,413 total views
Umaasa si Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo na mas lumalalim ang debosyon ng mananampalataya sa tulong ni Nuestra Señora de Peñafrancia.
Ito ang pahayag ng obispo sa pagdiriwang kapistahan ng Mahal na Birheng patrona ng Bicolandia.
Paliwanag ni Bishop Dialogo na hindi sapat ang mga ritwal upang ihayag ang pamimintuho sa Mahal na Ina kundi ang pagsunod sa mga katangian nito na nagpapalapit sa Diyos.
“Sana ang ating debosyon ay hindi lamang maiwan sa mga panlabas na ritwal, sa mga mababaw na tradisyon kundi lalong mapalalim natin ang debosyon, ang tunay na debosyon ay yung maisabuhay natin ang mga katangian na banal ng Mahal na Birheng Maria ni Nuestra Señora de Peñafrancia,” pahayag ni Bishop Dialogo sa panayam ng Radio Veritas.
Nitong September 20 nagkaisa ang mga lingkod ng simbahan at layko ng Bicol region upang saksihan ng pagsadula sa makasaysayang pontifical coronation ng Our Lady of Peñafrancia noong 1924 o makalipas ang 100 taon.
Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines ang pagputong ng korona kasama sina Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, Archbishop Emeritus Rolando Tria Tirona at Apostolic Nuncio to Israel and Palestine Archbishop Adolfo Tito Yllana.
Hamon ni Bishop Dialago sa milyong mga deboto ng Mahal na Ina na gawing huwaran ang kanyang mga katangian upang mapalalim ang pakikipag-ugnayan kay Hesus.
“Mga debotos ni Ina pagsumikapan nating maisabuhay natin ang kapakumbabaan ang kanyang pagiging masunurin sa mga plano ng Diyos, ang kalooban ng Diyos kasi yun ang tunay na debosyon,” ani Bishop Dialogo.
Dumagsa sa Naga City particular sa Naga Metropolitan Cathedral ang mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nais matunghayan at malapitan ng imahe ng Birheng Maria.
Ayon kay Rosalinda de Jose na mula pa sa Ilocos Region maraming pagkakataon nang dininig ng Diyos ang kanyang mga kahilingan at panalangin sa tulong ng pamimintuho sa Mahal na Ina.
Naniniwala si de Jose na hindi pinababayaan ng Mahal na Ina ang sangkatauhan at patuloy nitong ginagabayan tungo sa kanyang anak na si Hesus.
“Maraming beses na humihingi ako ng dasal kay Ina (Nuestra Señora de Peñafrancia) at natutupad ang mga prayers ko. Di niya talaga tayo pinabapabayaan parang noong pinako si Hesus nandoon lang siya sa paanan,” ani de Jose.
Ngayong taon ay ipinagdiriwang ng Archdiocese of Caceres ang ika – 100 anibersaryo ng canonical coronation sa imahe ng Our Lady of Peñafrancia sa temang ‘Se Siempre la Reina, Pamanang Banal: Atamanon,Padanayon, Palakupon.’