375 total views
Pansamantalang isasara ng Diocese of Legazpi ang mga Catholic Cemeteries sa diyosesis bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus sa probinsya sa paggunita ng Undas.
Nasasaad sa Diocesan Circular No. 24, series of 2021 ni Legazpi Bishop Joel Baylon ang pansamantalang pagsasara ng mga Catholic Cemeteries sa diyosesis mula ika-30 ng Oktubre hanggang ikatlo ng Nobyembre, 2021 maliban na lamang para sa mga burial rites.
Ayon sa Obispo, ang hakbang ay tugon ng diyosesis upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya.
“Since the COVID-19 cases in our province are still alarming, I deem it prudent to implement the closure of all the catholic cementeries in the diocese from October 30 until November 3, 2021, execpt of course for the burial.” Ang bahagi ng pahayag ni Legazpi Bishop Joel Baylon.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na ngayon pa lamang ay maari ng bisitahin ng mga mananampalataya ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay bago pa man ang nakatakdang pagsasara ng mga Catholic Cemeteries sa diyosesis.
Gayunpaman, binigyang diin ng Obispo na kinakailangan pa ring iwasan ang mass gathering sa maagang pagbisita sa mga semeteryo upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 virus.
Kaugnay nito, bahagi ng sirkular ni Bishop Baylon ay ang pakikiusap sa pamunuan at mga tagapangasiwa ng mga Catholic Cemeteries sa diyosesis na agad na magsagawa ng paglilinis at paghahanda para sa maagang pagbisita ng mga mananampalataya sa kanilang mga punaw na mahal sa buhay sa mga sementeryo.
“The Catholic faithful who wish to visit their departed loved ones are encouraged to go to the cemeteries outside these dates. I highly advise that visits must not be done in groups to avoid congregating in the cemeteries. Just like last year, I am requesting the Pastors and Persons-in-Charge of the cemetery management to clean and prepare the cemeteries as soon as possible.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Samantala, pinaalalahanan rin ni Bishop Baylon ang mga Pari na tanging sa mga Simbahan lamang maaring magsagawa ng mga pastoral services para sa papalapit na Undas upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Bukod dito muli ring ipinag-utos ng Obispo sa bawat parokya sa diyosesis ang paghahanda ng mga kopya ng Novena Prayer for the Dead upang maipamahagi at magamit ng mga mananampalataya sa nalalapit na paggunita ng All Saints at All Souls Day.