190 total views
Naniniwala si Apostolic Vicariate of Calapan, Oriental Mindoro Bishop Warlito Cajandig na dahil sa pagsusumikap ng mga Pilipino at hindi ang 4P’s o Pantawid Pamilya Pilipino Program ang nagpababa ng bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Ayon kay Bishop Cajandig, hindi nakatulong ang dole – out system ng pamahalaan sa naitalang pinakamababang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng kagutuman sa nagdaang labin – dalawang taon.
“It’s something that we should be happy about ang dahilan dahil nabawasan ang mga nagugutom, ito ay bunga ng kanilang pagsisikap at hindi dahil binigyan sila ng pagkain sa pamamagitan ng isang programa. Dahil yan ay hindi dole – out poverty dapat yan ay pagsusumikapan na talagang ito ay pinagsumikapan ng mga tao bunga ito ng kanilang mga pawis. Pero kung tuturuan sila how to fish kung papaano sila and they can grow their own food mas mabuti yun,” pahayag ni Bishop Cajandig sa panayam ng Veritas Patrol.
Naniniwala si Obispo ng Calapan na kailangan pa ring ang “empowerment of the poor” upang matuto ang mga mahihirap na magsumikap sa kanilang buhay at magkaroon ng marangal na hanap – buhay.
“Sapagkat nasanay na tayong mga Pilipino na tumatanggap lang ng tumatanggap I think it does not help itong dependency . Yung ating mentality na kung minsan and keep on receiving and receiving. We need to address our needs mas mabuti yun. Ang programa na ipanawagan ko ay empowerment for the poor…Yung unahin muna natin, yung bibigyan sila ng kakayahan na sila ay maghahanap – buhay upang magkaroon sila ng malakas na katugunan sa kanilang pangangailangan,” giit pa ni Bishop Calapan sa Radyo Veritas.
Nabatid sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS, nasa 2.4 million na pamilya o 10.6 percent ang nakaranas ng gutom mula July hanggang Setyembre ng taong ito.
Mas mababa ito ng 4.6 points sa 15.2 percent na naitala mula Abril hanggang Hunyo at pinakamababa mula nang maitala ang 7.4 percent noong 2004.
Nauna ng pinakikilos ng kanyang Kabanalan Francisco ang United Nations World Food Program na wakasan na ang problema ng kagutuman sa buong mundo at gawing prayoridad ang kampanya na “Zero Hunger” sa taong 2030.