203 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang nakasulat na mensahe ngayong Buwan ng Kababaihan, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi pa tapos ang pagkilos upang matuldukan ang diskriminasyon sa mga babae at upang makamit nila ang mga oportunidad na tinatamasa ng mga lalaki. “The work is far from over,” aniya. Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang International Women’s Day na may temang “Choose to Challenge”, isang paghikayat sa lahat–babae man o lalaki—na patuloy hamunin ang mga paniniwala, kaisipan, at gawíng nagdudulot ng diskriminasyon at pang-aabuso sa kababaihan.
Isang larangan kung saan mga lalaki pa rin ang nakararami ay ang pulitika. Sa buong mundo, 14 na bansa lamang ang may pamahalaan kung saan kalahati o higit pa ng kanilang gabinete ay mga babae. Mula 1992 hanggang 2018, 13% lamang ng mga negotiators, 3% ng mediators, at 4% ng signatories ng mga pangunahing kasunduang pangkapayaan ay mga babae. Sa mga posisyong gumagawa ng mga desisyong may kaugnayan sa pangangalaga sa kalikasan, 67% ay hawak ng mga lalaki. Dito sa Pilipinas, bagamat nangunguna tayo sa Asya at pang-16 tayo sa buong mundo pagdating sa pagsasara ng tinatawag na gender gap (o ang hindi pagkakapantay ng mga oportunidad at pagkilala sa mga karapatan ng mga babae at lalaki), maraming babae pa rin ang biktima ng pang-aabuso at diskriminasyon. Noong kasagsagan ng pandemya, nakapagtala ang Philippine Commission on Women ng halos 14,000 kaso ng karahasan laban sa mga babae at mga bata.
Isang malaking kabalintunaan ding sa kabila ng mensahe ni Pangulong Duterte ngayong Women’s Month, kung saan hinihikayat niya ang pagpapalakas sa karapatan at mga oportunidad ng kababaihan, siya rin naman ang pangunahing sumasalungat dito. Minsan niyang sinabing hindi para sa babae ang pagiging pangulo ng bansa. Bago nito, ilang beses ginawang biro ng pangulo sa kanyang mga talumpati ang rape o panggagahasa. Minsan ding pinuna ng pangulo ang palda ni VP Leni Robredo sa isang pormal na pagtitipon. Nariyan pa ang panghihikayat niya sa mga sundalong barilin sa maselang bahagi ang mga babaeng rebelde na kanilang makakalaban. Kung mananatili ang ganitong klase ng mga lider sa pamahalaan, tunay ngang malayo pa ang tatahakin natin upang makamit ng kababaihan ang respeto at pagkakapantay.
Tulad ng nasasaad sa aklat ng Mga Gawa 10:34, “walang itinatangi ang Diyos.” Malinaw din ang panlipunang turo ng Simbahan na ang babae at lalaki ay magkaibang indibidwal ngunit may pantay na dignidad. Walang mas nakahihigit ng dangal o kakayahan. Ang kanilang mga pagkakaiba ay mahalagang bahagi ng pagbubuo ng isang mayabong na lipunan. Sila ay may kani-kaniyang talentong maaaring iambag sa ating pag-unlad. Ang babae ay katuwang ng lalaki, at ang lalaki ay katuwang din ng babae. Ang kanilang pagtutulungan ay nakabatay sa pagkakaisa at pag-ibig.
Kahit pa taun-taon nating ginugunita ang Women’s Month at International Women’s Day, hindi ganap na matatapos ang diskriminasyon sa kababaihan hangga’t hindi ito nag-uumpisa sa pag-unawang pantay-pantay tayong nilikha ng Diyos. Kung patuloy na malilimitahan ang kababaihang makilahok sa panunungkulan sa pamahalaan, usaping pang-kapayapaan at pang-kalikasan, at iba pang larangan, patuloy ding mapagkakaitan ang ating lipunan ng mga talento at kakayahang maaari nilang iambag. Hangga’t may mga lider tayong ginagawang biro ang panggagahasa at humihikayat sa karahasan laban sa kababaihan, mananatiling malaking hamon ang panawagang irespeto ang mga babae at ituring silang kabalikat sa kaunlaran.
Mga Kapanalig, malayo pa nga ang laban upang makamit natin ang pagkakapantay ng mga kasarian. Tandaan nating mag-uumpisa ito sa ating mga indibidwal na paniniwala sa dangal ng bawat isa. Nawa’y mula rito ay magawa nating manawagan, magsalita, at kumilos para sa isang lipunang may paggalang kaninuman, anuman ang kanilang kasarian.