2,936 total views
Umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines’ Office on Women sa pamahalaan, simbahan at mamamayan ng pagkakaisa upang maisulong ang pangangalaga sa karapatan ng mga kababaihan higit na sa mga lugar ng paggawa.
Ito ay kaugnay na rin sa paggunita ng ‘International Day of Equal Pay’ kung saan ayon sa tanggapan ng CBCP ay mahalagang itaguyod pantay na suweldo sa mga kababaihan at paglaban sa pang-aabuso.
Panawagan ng tanggapan ang pagpapairal ng pamahalaan ng Philippine Constitution at Magna Carta on Women upang mapangalagaan ang mga kababaihan mula sa pang-aabuso at hindi pantay na pagtingin sa mga lugar paggawa.
“Honest work should always be remunerated fairly everywhere as a matter of justice; this is why the law insists on equal pay. But beyond justice, we show others our common humanity by giving our workers their due, and, if possible, a little extra that Christian charity allows,” ayon sa ipinadalang mensahe ng CBCP Office on Women sa Radio Veritas.
Gayundin ang mga batas sa Labor code at ‘Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women’ upang matiyak na pantay ang pagtingin ng mga employers at pantay ang natatanggap na benepisyo ng kababaihan at kalalakih-ang manggagawa.
Batay sa ulat ng International Labor Organization sa buong mundo, sa bawat isang dolyar na kinikita ng mga kalalakihan ay aabot lamang sa 51-sentimo ang kinikita ng mga kababaihan.
Ayon naman sa pag-aaral ng Lloyd’s Register Foundation at Gallup, noong 2021, 22% ng mga kababaihang manggagawa at 18% ng mga kalalakihang manggagawa ang nakakaranas ng pang-aabuso o pagmamalabis sa mga lugar ng paggawa sa Pilipinas.