24 total views
Pinaalala ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng mga manggagawa at kakayahan ng mga negosyo o kompanya na mapanatili ang mga operasyon.
Ito ang payo ni Bishop Pabillo sa pagsusulong ng House Bill No. 11376 o Wage Hike For Minimum Wage Workers Act na magpapatupad ng 200-pesos minimum wage increase para sa mga manggagawang sa pribadong sektor.
Ayon sa Obispo, napapanahon na ang pagsusulong nito sa pamahalaan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na mapaunlad ang antas ng kanilang pamumuhay at makamit ang mga pangunahing pangangailangang serbisyo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga sa panukala na tiyakin ang ikabubuti ng pribadong sektor at hindi pagkalugi ng mga negosyo sa pagpasa ng batas.
“Kaya sana, ang sakin lang personally, mas kailangan ng workers ang 200 pesos wage hike a day pero i-balance sa mga pangangailangan ng mga paligid, ng mga kompanya at sana tuloy-tuloy ang ating pag-pressure sa kongreso, kasi ito nasa committee meeting palang at parang pagbobotohan pa yan ng pangkalahatan sa kongreso, sa senate sana po ay pumasa ang kanilang panukala,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Umapela naman si Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) Minister Fr.Eric Adoviso na alalahanin ang kapakanan ng mga manggagawang sa ibat-ibang lalawigan at pinakamalalayong kanayunan ng Pilipinas sa patuloy na pagsusulong ng House Bill No.11376.
Ipinapanalangin ng Pari, na maging ‘Across the board’ ang panukalang 200 pesos wage increase upang mai-angat ang pamumuhay ng mga manggagawa sa bansa.
Nagpaoasalamat nanan si Fr.Adoviso sa mga mambabatas sa kongreso sa pagsusulong ng panukala na ngayong ay nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa mababang kapulungan kasabay ng panalanagin na higit din na maisulong ang mga katuruan ng ensiklikal ni Saint John Paul II na Laborem Exercens upang mabigyan ng dignidad ang paggawa.
Nakasaad sa ensiklikal na nararapat lamang tumbasan ng mga employers at kompanya ng wastong halaga o suweldo ng mga manggagawa na katumbas ng kanilang pinaghirapang trabaho.
“Yan yung ating nininais kasi yan naman yung turo ng simbahan sa Laborem Exercens sa Family Wage na tinatawag, yun yung idea, yun parin yung ating minumungkahi sa ating pamahalaan na sana marating yuon, marating yung family wage at sana nga hindi na mag-abroad yung libo-libong Pilipino at makuntento darating na sa atin yung family wage na iisa lang yung nagtatrabaho, at itong nagtatrabaho ay nagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanilang pamilya sa lahat ng aspeto ng buhay ng isang manggagawa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Adoviso.
Ang 1,200-pesos Family Living Wage ay ayon sa mga pag-aaral ng Ibon Foundation na ayon sa Think Tank Group, ay ang halaga na dapat na matanggap na suweldo ng mga manggagawa na nakaayon inflation rate ngayon, upang matustusan ng sektor ang kanilang pangangailangan at nang pamilya na kanilang sinusuportahan.
bagamat bumaba ang 3.2% ang kabuoang inflation rate noong 2024 kumpara sa datos noong 2023 na umabot sa 6.0% ay nananatiling itong mabilis at pinangangambahan ng mga mamamayan na maging suliranin upang makabili ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.