167 total views
Naniniwala ang dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi maipapasa ang mga panukalang batas ni House Speaker Pantaleon Alvarez na laban sa pamilya at pagpapakasal.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz at kasalukuyang Judicial Vicar of the National Tribunal Appeals ng CBCP, hindi makakapasa sa Senado ang mga panukala ni Alvarez dahil maraming batas ang dapat na palitan tulad ng mga probisyon sa Family code of the Philippines.
Una na ring inihayag ni Alvarez ang panukalang pagkakaroon ng civil union- para sa same sex at opposite sex, ito ay maliban sa umiiral na civil marriage at church marriage sa bansa at ang dissolution of marriage para mapadali ang paghihiwalay ng mga mag-asawa na hindi na masaya ang pagsasama.
“It is all going against natural law, going against civil law ,constitution and family code of Philippines. So I do not know if the proposal would pass and they had to revised the constitution and revise Republic code of the Philippines,”pahayag ni Archbishop Cruz sa Radio Veritas
Sinabi pa ng arsobispo, maaring may pinagdadaanan ang mambabatas na dahilan ng kaniyang panukala.
“He is experiencing difficulties on marriage, that’s why he came about this civil union, which is a novelty.” ayon pa kay Archbishop Cruz.
Naniniwala rin ang arsobispo na hindi sasang-ayon ang Senado sa ganitong uri ng panukala na may sariling desisyon na hiwalay sa House of Representatives.
Dagdag pa ni Archbishop Cruz: “It is something personal to him. He came out with these, it’s a mixture of anything and everything. But I do not know if these will pass.”
Base sa Philippine Statistics Authority, mula 2005 hanggang 2015 bumaba ng 20 percent ang bilang ng nagpapakasal sa Pilipinas na naitala na lamang sa 400 libo, kabilang na dito ang civil marriage, church marriage at mga marriage rites na isinasagawa ng Muslim at iba pang sekta.
Una na ring pinuna ng Santo Papa Francisco ang ‘culture of the provisional’ dahil kalimitan ding nauuwi sa paghihiwalay ang pagsasama na taliwas sa layunin ng kasal na isang panghabangbuhay na pangako ng dalawang nagmamahalan.