901 total views
Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong PANGISDA Pilipinas sa harapan ng House of Representatives kasabay ng paggunita sa National Fisherfolks Day.
Ito’y upang tutulan ang panukalang House Bill 7853 na pinapahintulutang papasukin ang mga komersyal na mangingisda sa munisipal na katubigan.
Ayon kay Pablo Rosales, pangulo ng grupo na palalalain lamang nito ang labis na pangingisda sa gitna ng mas mataas na huli ng isda sa ilang mga lugar bunsod ng mahigpit na pagbabawal sa komersyal na pangingisda sa loob ng 15-kilometer zone mula sa baybayin.
“…Ang walang pakundangang pagkuha at paghuli ng isda ng komersyal na pangingisda ang pangunahing dahilan ng pagkaubos ng likas yaman at pagkasira ng pangisdaan sa kalakhan,” bahagi ng pahayag ni Rosales.
Samantala, panawagan naman ng grupo sa bawat mamamayan at mga kinauukulan na tutulan ang anumang gawaing makakaapekto sa pangangalaga at pag-unlad ng mga palaisdaan sa bansa.
Sa halip, paigtingin ang pagpapatupad sa programang makatutulong upang mapaunlad din ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
“Sama-sama nating itulak ang lubos na pagpapatupad ng mahahalagang batas at programa para sa tunay na rehabilitasyon ng mga munisipal na pangisdaan tungo sa pangmatagalang pag-unlad at supply ng pagkain para sa mamamayan, na siya ding mag-aangat sa kabuhayan ng mga mangingisdang munisipal,” ayon kay Rosales.
Batay sa Republic Act 10654 o Fisheries Code of 2015, ipinagbawal ang ilegal at komersyal na pangingisda sa munisipal na katubigang nagresulta sa unti-unting pagdami ng isda at pagkabuhay ng ibat-ibang klase ng likas na yaman sa katubigan.
Nakasaad sa katuruang panlipunan ng simbahan, bagamat sang-ayon itong kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang ang kita nito’y nakakamit nang hindi naaapektuhan ang bawat mamamayan lalong-lalo na ang kalikasan.