339 total views
June 15, 2020, 10:15AM
Tiniyak ng Diocese of Imus ang pagtalima sa mga panuntunan na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) kaugnay sa pagsasagawa ng banal na pagdiriwang sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Ayon kay Imus Bishop Reynaldo Evangelista na siya ring chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, mahigpit na sinusunod ng mga Simbahan sa buong diyosesis ang panuntunan na tanging 10-indibidwal lamang ang maaring dumalo sa pagsasagawa ng mga banal na pagdiriwang at pagsunod sa mga safety health protocols.
Ipinatutupad rin ang naturang panuntunan maging sa pagsasagawa ng mga sakramento sa Simbahan tulad ng Binyag at Kasal kung saan hindi maaring magkaroon ng pagtitipon.
Umaasa naman si Bishop Evangelista na sa tulong, awa at biyaya ng Panginoon ay bumuti na ang sitwasyon sa bansa mula sa pandemya at maibaba na sa Modified General Community Quarantine ang lalawigan ng Cavite.
“Sumusunod kami dito sa diocese sa I-A-T-F Guidelines na hanggang 10-katao ang ina-allow sa GCQ kaya yun lang ang aming ina-allow din sa mga Simbahan, may ilang mga nagpapa-binyag pero hindi pwedeng maramihang binyag na masyadong maraming tao paisa-isa lang ang nagpapa-binyag, meron ding kasal basta 10 people ang nandito at yun naman talaga ay allowed at nakakasunod kami sa guidelines at hopefully sa tulong ng awa at biyaya ng Diyos makatawid na sa Modified General Community Quarantine dun ina-allow ang 50-percent ng attendance sa mga Simbahan…”pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang Diocese of Imus ay binubuo ng 87 mga parokya na gumagabay sa may 3-milyong mananampalatayang Katoliko sa diyosesis.
Samantala muli ring umapela sa IATF si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo upang suriin ang pagpapahintulot sa mas maraming mananampalataya na makadalo sa mga banal na pagdiriwang mula sa kasalukuyang panuntunan na 5 hanggang sa 10-katao lamang.
Read: https://www.veritas846.ph/obispo-hiniling-sa-pangulong-duterte-na-payagan-na-ang-pagdiriwang-ng-religious-services/