452 total views
Ikinabahala ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Lumabas sa pag-aaral ng UNICEF na isa lamang sa 10 mga batang nasa edad 10-taong gulang ang nakakabasa sa Pilipinas.
Dahil dito, pinuri ni Jose Allan Arellano – CEAP Executive Director ang panunumbalik sa paaralan nang may 3.1-milyong mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan sa bansa.
Inihayag ni Arellano na malaking balakid sa learning development ng mga estudyante ang 2-taong pagkaantala ng face to face classes.
“Mabuti naman at nakakabalik na ang mga bata sa mga paaralan. Nakakabahala ang resulta ng pagsusuri na wala halos natututuhan ang mga mag aaral sa bahay ayon sa UNICEF, lalo na sa Pilipinas. Kulelat na naman tayo,” ayon sa mensaheng ipinadala ng CEAP sa Radio Veritas.
Upang makabalik sa pagtuturo ang mas marami pang mga pribadong paaralan ay isinumite na rin ng CEAP sa DEPED Private Education Office ang kanilang mga apela.
Ayon sa CEAP, iba at mas mahirap ang mga pamantayan ng DEPED sa mga private schools bago sila pahintulutang makapag-daos ng pisikal na klase.
“Masyado mahigpit ang DepEd sa mga pribadong paaralan kaya hindi agad makabalik ang mga bata sa maraming paaralan. Mas mahirap ang mga pamantayan nila sa amin. Ipinaalam na namin to sa Private Ed Office ng DepEd,” ayon pa kay Arellano.
Magugunitang mayroong mahigit 1,600 mga Katolikong paaralang ang kasapi ng CEAP.
Sa kasalukuyan mayroon nang halos 14-libong pribado at pampublikong paaralan na nasa low-risk areas mula sa COVID-19 ang nagsasagawa ng limited face to face classes.