362 total views
Nakatuon sa pag-ibig ang tema ng paggunita ng taunang Red Wednesday campaign ngayong taon.
Ayon kay Jonathan Luciano-national director ng ACN-Philippines, ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang pinanggagalingan ng lahat ng kaloob at pag-asa para sa bawat mamamayan maging sa mga nagbuwis ng buhay sa paninindigan para sa pananampalataya at simbahan.
“For this year, we [ACN] decided to go back and reflect – love, indeed is the root of everything; of charity, of hope, of faith. Ang pag-ibig ng Diyos ang pinagmulan ng lahat,” pahayag ni Luciano sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Red Wednesday na pinasimulan ng papal charity sa United Kingdom noong 2016-isang paggunita sa mga inuusig na Krsitiyano sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Paliwanag pa ni Luciano na ang kulay pula ay sumasagisag ng pagiging martir o pag-aalay ng dugo para sa pananampalataya na nangangahulugan ng pag-ibig para sa Diyos.
“We hope that Red Wednesday, together with the Recollection Concert, will inspire the faithful. Despite hard times, there is a reminder of love,” dagdag pa ni Luciano.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang ‘RED MEANS LOVE: One Church against COVID-19′ na inialay din para sa mga medical at service frontliners na nagpapatuloy sa paglilingkod sa kabila ng matinding panganib sa sariling kalusugan bunsod ng nakahahawang coronavirus.
Ito rin ay pagkilala sa katatagan ng halos 60-milyong indibidwal na nahawaan ng sakit kabilang ang apatnaraang libong Filipino.
“Aside from that, Red Wednesday also highlights our frontliners and the COVID-19 victims. It is a symbol of their courage, a symbol of their strength to fight the virus, to fight for their family, for all of us,” ayon pa ni Luciano.
Gaganapin naman ang Red Wednesday recollection concert sa ika-25 ng Nobyembre alas otso ng gabi na pangungunahan ni Msgr. Gerardo Santos at Ms. Cris Villonco. Makibahagi rin dito si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang kasalukuyang Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Inaasahan ring magtatanghal sina Jose Mari Chan; ang Young Voices of the Philippines at Kantabella.
“The recollection concert is also our way of reminding everyone that Christmas is about to come. Christ is about to come, at nararapat tayong magbunyi,” giit ng opisyal ng ACN.
Matutunghayan ang Red Wednesday Recollection concert sa social media pages ng Radio Veritas, TV MAria, CBCP at iba pang Catholic owned social media accounts.
Enero nang idineklara ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang Red Wednesday campaign bilang opisyal na pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas na gaganapin pagkatapos ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.