240 total views
Matagumpay ang pagtitipon ng mga kabataan ng Central Luzon bitbit ang hamon na palaganapin ang mga turo ng Simbahan sa kapwa kabataan at sa buong komunidad.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, higit na kailangan ng Simbahan ang mga kabataan sa misyong ibahagi sa buong pamayanan ang mga turo ng Panginoon.
“Sa pagbalik ng mga kabataan sa kanilang mga diyosesis dapat nilang ipahayag at isabuhay ang pananampalataya at dakilang pag-ibig ng Panginoon, ibahagi ang kanilang karanasan sa pagtitipon lalo na sa kapwa kabataan,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na malaking gampanin ng mga kabataan ang makibahagi at makiisa sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Hinimok ni Bishop Santos ang bawat kabataan na maging mabuting halimbawa sa komunidad na kinabibilangan.
9th CENTRAL LUZON YOUTH PILGRIMAGE
Sa pahayag naman ni Rev. Fr. Ian Andal, Regional Youth Director ng Region III, mahalaga ang pagtitipon ng mga kabataan sapagkat lalong mapag-alab ang pag-ibig ng Diyos sa bawat indibidwal lalo na sa kabataan.
“Ito ay nakatutulong sa kanilang buhay pananampalataya upang mas higit nilang maramdaman ang pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang kapwa kabataan,” pahayag ni Fr. Andal sa Radio Veritas.
Ayon sa Pari, sa isinagawang Central Luzon Youth Pilgrimage ay lalong napalalim ng mga kabataan ang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagbubuklod sa kapwa kabataan na naipapakita sa pagdadamayan at pagbabahaginan ng mga kuwento sa buhay pananampalataya.
Dahil dito, hinimok ni Fr. Andal ang mga kabataan na patuloy ilaan ang sarili sa paglilingkod sa kapwa at sa Inang Simbahan habang pinalalakas ang ugnayan sa Panginoon alinsunod sa tema ng pagtitipon ang “Panginoon, narito ang Lingkod Mo, isugo Mo ako.”
15th MOUNT SAMAT PILGRIMAGE
Bahagi ng apat na araw na pagdiriwang ng 9th CLYP na nagsimula noong ika – 29 ng Nobyembre hanggang ika – 2 ng Disyembre ang paglalakad ng mga kabataan patungong Mt. Samat kung saan ito ay makahulugan sa bawat isang nakilahok dahil dito naipakikita ang mga sakripisyo at pagkakaisa ng bawat mananampalataya.
Sinabi ni Bishop Santos na habang naglalakbay ang mga kabataan ay humihinto ito sa ilang mga lugar at nag-aalay ng mga panalangin sa mga Santo na patron ng 7 Diyosesis na lumahok sa pagtitipon.
“Humihinto ang mga kabataan at nagdarasal sa mga Santo ng diyosesis at yun ay pagpapakilala rin sa nagawa ng mga patron nila na dapat tularan,” ani ni Bishop Santos. Aniya, “hindi lamang basta paglalakbay ang ginawa ng halos 3, 000 kabataan kundi pinagninilayan din nito ang mga katuruan ng Simbahan partikular ang pangangalaga sa kalikasan at sa lahat ng bagay na ipinagkaloob ng Panginoon na dapat ingatan.” pahayag ni Bishop Santos
Ang Mount Samat pilgrimage din ay pagkakataong nagpamulat sa mga kabataan na sila ay kumikilos hindi lamang sa kanilang sarili kundi para rin sa Simbahang Katolika.
Kaisa sa paglakbay ng mga kabataan si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrieli Giordano Caccia kung saan pinamunuan din nito ang pagdiriwang ng Banal na Misa.
Sa homiliya ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas, binigyang diin nito ang kahalagahan ng mga kabataan para sa Simbahan kaya’t hinimok itong isabuhay ang mga natutuhan at palawakin ang kaalaman hinggil sa Simbahan.
Sa pagtatapos ng Eukaristiya ay sama-samang inawit ng mga kabataan ang “Tell the World of His Love” ang theme song sa World Youth Day noong 1995 kung saan hawak ang mga sinindihang kandila at ilaw ng mga cellphone na nagbibigay liwanag sa paligid.
Makabuluhan para sa Diyosesis ng Balanga ang pagiging host diocese sa ika – 9 ng CLYP dahil bukod sa kasabay nito ang 15th Mount Samat Pilgrimage ay dito rin pormal na inilunsad ang Year of the Youth na bahagi ng paghahanda sa ika – 500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Kabilang sa mga Diyosesis ng Gitnang Luzon na nakilahok ang Diyosesis ng Iba, Cabanatuan, Balanga, Malolos, San Jose, Tarlac at Arkidiyosesis ng San Fernando.