2,011 total views
Mahalagang gawain ang pakikisangkot sa Walk for Life.
Ito ang binigyang-diin ng mga opisyal ng Vatican sa taunang gawain ng Sangguninang Laiko ng Pilipinas na layong isulong ang kahalagahan ng buhay.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown ang gawain ay pagkakataong ihayag ang paninindigan sa buhay ng tao na lantad sa iba’t ibang uri ng panganib.
“This very important gathering is an opportunity for you personally to show your conviction taht human life is sacred and the threats to the right to life of all human beings from the moment of conception until natural death should be resisted,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Sinabi ng nuncio na nawa’y magsilbing paraan ito upang hikayatin ang bawat mananampalataya na ipagtanggol ang buhay laban sa mga mapaminsalang gawain at programa.
Sinabi naman ni Cardinal Luis Antonio Tagle ng Dicastery for Evangelization ng Vatican na ang Walk for Life ay mahalagang pagtitipon at pagbubuklod ng mananampalataya para itaguyod ang kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
“Hindi lamang po ito paglalakad kundi ito ay paglalakbay para sa buhay kasi po ang buhay ay isa sa pinakamahahalagang regalo ng Diyos sa atin at sana sa paglalakbay natin sa kasaysayan wag nating sasayangin at lagi nating protektahan ang regalong ito na buhay,” ani Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Tema ngayong Walk for Life 2023 ang ‘SANAOL (Synodality, Accompaniment and Nearness). Let’s All Walk Together for Life’ na hango pa rin sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality.
Isasagawa ang Walk for Life sa February 18, 2023 mula alas kuwatro ng madaling araw sa Welcome Rotonda sa Quezon City patungong University of Santo Tomas Grandstand kung saan isasagawa ang programa at Banal na Misang pangungunahan ni Msgr. Bernardo Pantin, ang Secretary General ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
2017 nang pasimulan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang Walk for Life na layong labanan ang iba’t ibang programang makasisira sa buhay tulad ng war on drugs noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kabilang na rin ang DEATH Bills na inihain sa kongreso tulad ng aborsyon, death penalty, same sex marriage at iba pang panukala na makalalabag sa Karapatan at buhay ng mamamayan.