2,688 total views
Itinakda ng Apostolic Vicariate of Calapan sa Oriental Mindoro ang Canonical Possession at installation kay Bishop Moises Cuevas sa September 6, 2023.
Pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagluluklok kay Bishop Cuevas bilang ikaapat na obispo ng bikaryato.
Isasagawa ito ganap na alas nuwebe ng umaga sa Sto. Nino Cathedral sa Calapan City.
Una nang sinabi ni Bishop Cuevas sa panayam ng Radio Veritas ang kahandaang maglingkod sa halos isang milyong katoliko sa bikaryato.
Alinsunod na rin sa kanyang episcopal motto na ‘Virga Tua Consolatio Mea’ na hango sa Mga Awit 23: 4 kung saan buong pusong ipinagkatiwala ng obispo sa Panginoon ang kanyang bagong misyon bilang pastol ng simbahan.
June 29 kasabay ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo nang italaga ni Pope Francis si Bishop Cuevas bilang kahalili ni Bishop Warlito Cajandig na nagretiro sa paninilbihan dahil sa karamdaman.
Sa mahigit dalawang dekadang pagiging pari ng Archdiocese of Zamboanga naglingkod ito sa iba’t ibang parokya kabilang na sa Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception bago hiranging auxiliary bishop ng arkidiyosesis noong 2020 habang administrator naman nang namayapa si Archbishop Romulo Dela Cruz.