428 total views
Umaasa si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na patuloy na isabuhay ang mga gawi ni St.John Paul II na mapagkalinga sa higit na nangangailangan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa paggunita ng pagdalaw sa Pilipinas partikular sa Bataan ng santo na noo’y Santo Papa upang bisitahin at makipagkaisa sa mga Indochinese refugees apat na dekada ang nakalipas.
“We remember Saint John Paul II in a very special way, his love and affection for the refugees that Filipinos should continue to live,”pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Matatandaang Pebrero 21, 1981 nang bisitahin ni St. Pope John Paul II ang refugee camp sa Morong Bataan bilang tanda ng pakikiisa ng simbahang katolika sa mga refugee na napilitang tumakas sa kanilang mga lugar dahil sa kaguluhan at karahasan.
Sa pagbisita ni Pope John Paul II sa lugar hinimok nito ang mamamayan na magkaisa sa panawagan sa iba’t-ibang bansa na tulungan ang mga refugees na muling palakasin ang kanilang kalooban at bigyang pahalaga sa bawat bansang pinuntahan.
Bilang paggunita sa makasaysayang pagbisita ng santo, isang simbahan ang itinalaga sa ilalim ng kanyang pangalan sa Hermosa Bataan ang Diocesan Shrine of Saint John Paul II.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ito ay sagisag ng pagiging bukas ng mga Filipino sa pagtanggap ng mga nangangailangan ng kanlungan.
“Ito ay tanda na mayroong isang tahanan ang bawat isa, na ang Pilipinas partikular ang Bataan ay bukas sa mga taong naghahanap at nais makadaupang palad ang Panginoong Diyos,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Pinamahalaan ni Fr. Antonio Quintos Jr. ang parokya katuwang si Fr. Anthony Sibug na kapwa nagpapasalamat sa mga donors at sa lahat ng tumulong upang maitayo ang simbahang nakatalaga kay Saint John Paul II.
Ikinatuwa ng kinatawan ni Pope Francis ang pagiging magiliw ng mga Filipino na nakahandang tumanggap ng mga panauhin sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng bawat pamilya.
Dumalo rin sa pagtalaga ng simbahan ang mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan sa pangunguna ni Governor Albert Garcia, mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at ang mananampalataya ng Hermosa Bataan.
Mensahe ni Archbishop Brown sa mananampalataya na pangalagaan ang bahay dalanginan at palaguin ang pananamapalataya sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa kapwa tulad ng mga halimbawa ni Saint John Paul II.