389 total views
Mga Kapanalig, alam niyo bang ang coastal zone o baybaying-dagat ang pinakamayamang bahagi ng dagat? Dito kasi matatagpuan ang mga coral reefs, seagrass, at mangroves o bakawan, kung saan nanganganak ang iba’t ibang uri ng isda at iba pang lamang dagat. Kaya naman, dito rin umaasa ang mga tao para sa kanilang pagkain at kabuhayan. Ang pagiging sagana sa sari-saring uri ng isda at lamang-dagat sa baybaying-dagat ay naiuugnay sa kalagayan ng coastal ecosystem. Ngunit sa panahon ngayon, nagiging banta sa kalagayan ng karagatan at baybayin ang mga gawain ng mga tao.
Kasabay ng pagdiriwang ng Laudato Si’ Week noong isang linggo, lumabas ang balita tungkol sa reclamation o pagtatambak ng lupa sa baybaying-dagat sa bayan ng Coron, Palawan. Dinarayo ang Coron ng mga turista dahil sa malinis na dagat, sikat na mga diving spots, at magandang tanawin nito. Ngunit sa litratong ibinahagi ng Sagip Coron Movement sa social media, makikita ang malaking pagkakaiba mula 2013 hanggang 2021. Noong 2013, kita pa ang nasa 50 ektaryang kulay asul na dagat, pero noong 2021, napapalibutan na sila ng kulay putik na graba. Kasama sa larawan ang bahagi ng Mount Tapyas, isang sikat na tourist destination, na kinakalbo na o ginawang quarry at ito ang ginamit na panambak sa reclamation area na planong pagtayuan ng mga hotel, condominium, at shopping centers. Kinansela man ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ang Environmental Compliance Certificate (o ECC) ng proyekto, huli na ang lahat. Ayon sa grupong Sagip Coron, walang naging pagbabantay ang DENR sa ginawang reclamation project.
Kailangan nating tingnan nang mas malalim ang mga proyekto ng gobyerno na sinasabing para sa pag-unlad, pagpapaganda, at pagsasaayos o pagpapabuti ng bansa. Ilan sa mga halimbawa nito ang kontrobersyal na Kaliwa Dam, Manila Bay rehabilitation, Pasig River Expressway, at kaliwa’t kanang mga minahan. Sinasabing kaunlaran at progreso ang dulot ng mga proyektong ito, ngunit kung susuriing mabuti at kung makikinig sa mga taong maaapektuhan ng mga proyektong ito, malalaman nating mayroong problema ang mga ito.
Kapag kinakalbo ang bundok upang may maipantambak sa dagat, ang mga residente ang napeperwisyo at nawawalan ng bahay at buhay sakaling magkaroon ng landslide. Sila ang nagkakasakit dahil sa kemikal na nanggagaling sa mga minahan. Ang mga katutubo ang nawawalan ng lupaing ninuno. Ang mga magsasaka ang nawawalan ng hanapbuhay sa tuwing ginagawang subdivision ang mga lupang sakahan. Ang mga mangingisda ang nawawalan ng pagkain at kita sa tuwing tinatambakan ng lupa ang dagat. Kung ito ang kapalit ng sinasabing kaunlaran, sinu-sino nga ba talaga ang tunay na umuunlad at umaasenso? Salungat ang mga ito sa ipinapaalala sa atin sa Kawikaan 31:9 na “ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.”
Sa prinsipyo ng Catholic social teaching na tinatawag na “integral human development,” itinuturo ng Simbahang Katolika na dapat palaging kasama ang mahihirap sa daan tungo sa kaunlaran. Gaya ng sabi sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si’, ang layunin ng mabilis at tuluy-tuloy na pagbabago at kaunlaran ay hindi laging nakatuon sa ikabubuti ng lahat at sa pangmatagalan at ganap na pag-unlad ng tao. Aniya, ang pagbabago ay isang bagay na kanais-nais, ngunit nakababahala ito kung humahantong sa pagkasira ng daigdig at sa kalidad ng pamumuhay ng maraming tao.
Kaya mga Kapanalig, kailangan nating maging mulat at maglakas-loob na ituring na sariling pagdurusa ang nangyayari sa mundo nang sa ganoon ay matuklasan natin kung anu-ano ang magagawa ng bawat isa sa atin tungkol dito. Ngunit maliban sa indibidwal na pagkilos, mas kailangan nating bantayan ang pamahalaan, lalo na ang mga bagong halal na opisyal ng gobyerno, sa mga isyung pangkalikasan.