605 total views
Mga Kapanalig, isang malawakang paglilinis sa Manila Bay ang inilunsad at pinangunahan ng DENR nitong Enero. Upang mapanatili ang kalinisan sa baybayin, naglabas din ng circular ang DILG na inaatasan ang mahigit sa 5,000 barangay na malapit o nasa tabi ng Manila Bay na linisin ang kanilang baybayin linggu-linggo.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagsagawa ng clean-up sa mga lugar sa paligid ng Manila Bay, partikular na sa baywalk. Marami nang ginawang katulad na paglilinis ang mga ahensya ng pamahalaan at maging ang pribadong sektor. Matagal na ring inatasan ang mga lokal na pamahalaang linisin ang mga ilog at tributaryong tumutuloy sa Manila Bay. Taóng 2008 pa nang naglabas ng mandamus order ang Korte Suprema na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensya na linisin ang Manila Bay. Ito ang nagbunsod ng malawakang paglilipat sa mga pamilyang naninirahan malapit sa mga daluyang tubig katulad ng mga estero at ang tinatawag na major waterways sa Metro Manila gaya ng Pasig River at Tullahan River.
Sa kabila nito, marumi pa rin at delikadong languyin ang Manila Bay. Ibig sabihin, hindi pangmatagalang solusyon ang mga clean-up drive. Siyempre, malaking hamon pa rin ang pagkakaroon ng disiplina ng marami nating kababayan sa pagtatapon ng kanilang basura. Higit sa lahat, hindi tumupad sa kanilang tungkulin ang mga lokal na pamahalaan, hindi lamang ng mga bayan at lungsod sa paligid ng Manila Bay kundi ng lahat ng lugar na nakakabit ang kanilang ilog sa Manila Bay. Samantala, humirap ang buhay ng maraming pamilyang inilipat sa mga malalayong proyektong pabahay ng pamahalaan, patunay na hindi angkop ang malayuang resettlement.
Ngunit nagbabadyang mapapabilis ang malalaking reclamation projects ng mga pribadong kompanya sa Manila Bay. Inilipat na sa Office of the President ang pangangasiwa ng Philippine Reclamation Authority na dating nasa ilalim ng DENR. Nangangamba ang mga grupong mangingisda, katulad ng Pamalakaya, na padadaliin nito ang pag-apruba sa mga reclamation projects na hindi lamang magpapaalis sa mga informal settlers, makakaapekto rin ang mga ito sa kabuhayan ng mga mangingisdang umaasa sa Manila Bay. Ayon naman sa mga environmental groups, pinsala sa kalikasan ang dala ng mga ganitong proyekto.
Gusto ng lahat na maging malinis ang Manila Bay. Hindi lamang ito para sa mga tao kundi para rin sa yamang-dagat na naroon. Makatutulong ito sa kabuhayan ng mga mangingisdang sa tubig ng Manila Bay umaasa upang may maipakain sa kanilang pamilya. Makatutulong ito sa kalusugan ng lahat. Ngunit balewala ang mga ito kung isasakripisyo natin ang buhay at kabuhayan ng mga taong umaasa sa lungsod habang pinapaboran naman ang interes ng mga negosyong nais angkinin ang Manila Bay upang kumita sila.
Isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang pagkalahatang pakikinabang sa mga bagay sa mundo at pribadong pagmamay-ari—universal purpose of earthly goods and private property. Sa madaling salita, ang yaman ng mundo—mula sa lupa, dagat, at hangin—ay dapat pinagsasaluhan at pinakikinabangan ng lahat. Sa kaso ng Manila Bay, tungkulin ng lahat—kahit ng mga maralita—na panatilihing malinis ito, ngunit hindi dapat hayaang mapunta sa kamay ng iilan ang Manila Bay upang sila lamang ang makinabang sa pamamagitan ng mga negosyong itatayo sa mga land reclamation.
Mga Kapanalig, talo ang taumbayan kung hindi malilinis ang Manila Bay. Talo rin tayo kung hahayaan lamang nating itapon sa malalayong lugar ang mga maralitang tagalungsod at kung mawawalan ng access sa dagat ang mga maliliit na mangingisda. Buhay nila at kinabukasan ng kanilang mga anak ang naisasakripisyo. Mas talo tayo kung interes lamang ng mga maykaya ang iiral sa pangangasiwa ng Manila Bay. Sa huli, para kanino ba ang ginagawang paglilinis ng pamahalaan ng Manila Bay?
Sumainyo ang katotohanan.