61,387 total views
Mga Kanapalig, napanood ba ninyo ang video ng mga vloggers mula sa South Cotabato kasama ang dalawang tarsier?
Makikita sa video ang isang vlogger na tumatawa habang hawak-hawak ang isang tarsier. Kausap niya ang may hawak ng camera na noong una ay ipinakikita lamang ang isa pang tarsier na nakakapit sa tangkay ng halaman, ngunit kinuha niya rin ito at pabirong pinangingiti sa harap ng camera.
Nag-viral ang naturang video, pero matapos umani ng maraming batikos mula sa publiko, binura na ito ng vlogger. Humingi na rin siya ng paumanhin. Ngunit katwiran niya, ililipat lamang daw nila sa gubat ang mga tarsier na napadpad sa kanilang lugar. Kinumpirma naman sa pahayag ng DENR Region XII na naibalik na ang mga tarsier sa gubat. Gayunpaman, pinag-aaralan daw ng ahensya ang mga susunod na hakbang sa insidenteng ito, kabilang ang pagsasampa ng reklamo sa mga vloggers.
Para kay environmental lawyer Atty. Ester Gertrude Biliran, maituturing na maltreatment ang ginawa ng mga vloggers. Paliwanag niya, hindi dapat hinahawakan at iniistorbo ang mga tarsier. Sila ay mga nocturnal animals na hindi dapat inaabala sa kanilang pagtulog. Marami ring netizens ang nanawagang papanagutin ang mga vloggers. Para sa kanila, hindi dapat ginagamit na content sa social media ang pananakit sa mga tarsier.
Ayon sa grupong Endangered Species International, kalahati lamang ng mga tarsier na ikinukulong ang nabubuhay. Sensitibong hayop ang mga tarsier at madaling ma-stress sa ingay, liwanag, at iba pang kundisyong iba sa kanilang buhay sa natural nilang tirahan. May mga pagkakataon pa ngang iniuuntog nila ang kanilang ulo hanggang sa mamatay, dahil sa tindi ng stress na kanilang nararanasan.
Labag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pagbibiyahe sa mga wildlife at pagmamaltrato o pananakit sa mga ito. Ang mga napatunayang gumagawa nito ay may parusang sampung araw hanggang isang buwan na pagkakakulong at pagbabayarin ng isa hanggang limanlibong piso, kung ang hayop na sinaktan ay other threatened species (o OTS). Kabilang sa mga OTS ang tarsier. Noong 1997, nilagdaan din ni dating pangulong Fidel Ramos ang Presidential Proclamation No. 1030 na idinedeklara ang mga tarsier bilang “Specially Protected Faunal Species of the Philippines.” Ibig sabihin, dapat pahalagahan at pangalagaan ng publiko at ng pamahalaan ang kalagayan ng mga tarsier at ng kanilang tirahan.
Ipinaaalala ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang tungkulin ng bawat Katolikong pangalagaan at protektahan ang sangnilikha. Inuudyukan tayo ng ating pananampalataya na siguruhing walang nananakit at umaabuso sa mga hayop, halaman, at iba pang may buhay, lalo kung para lamang ito sa pansariling interes o kagustuhan. Ang bawat nilikha ay magkakaugnay. May relasyon sila sa isa’t isa. Sa madaling salita, ang pag-abuso sa anumang nilikha ay may epekto sa biodiversity o mayamang buhay ng kalikasan. Bilang mga “tagapangasiwa sa hardin ng Eden,” pahiwatig nga sa Genesis 2:15, tungkulin nating kumilos upang maitaguyod ang kalusugan at patuloy na paglago ng bawat nilikha.
Kaya naman, maling gamitin ang sangnilikha, lalo na ang mga threatened species gaya ng mga tarsier, para lamang makakuha ng maraming likes at shares sa social media o para lamang mag-viral at sumikat. Kung magiging content man ang sangnilikha, mas mainam kung tungkol ito sa pangangalaga sa kanila.
Mga Kapanalig, ang nangyaring ito sa South Cotabato ay magsilbi sanang paalala sa lahat vloggers na responsableng gamitin ang kanilang plataporma. Hamon din sa ating mga nakakikita at nanonood ng iba’t ibang content na maging mapanuri sa mga tinatangkilik nating vloggers. Online man o offline, maging mga tunay at mabuti tayong tagapangasiwa ng mayamang harding ipinagkaloob sa atin ng Dakilang Maylika.
Sumainyo ang katotohanan.