301 total views
Nitong Lunes, March 9, ating ginunita ang International Women’s Day. Marahil naiisip ng ilan, bakit kailangan pa gunitain ang araw na ito? Hindi ba’t malaki na naman ang espasyo ng mga kababaihan sa ating lipunan ngayon?
Kapanalig, mahalaga ang pagkakaroon ng takdang araw para sa pagkikilala sa kakabaihan. Ang ating mundo, simula’t sapul, ay nahubog ayon sa perspektibo ng kalalakihan. Patriyarkal pa rin ang lipunan natin, kahit pa malayo na ang narating ng mga kababaihan. Hindi pa naka-mainstream sa ating lipunan ang tunay na pagkilala sa karapatan at kakayahan ng mga kakaibahan. Hanggang ngayon, hindi pa rin pantay ang turing ng lipunan sa babae at sa lalake.
Suriin mo kapanalig, ang kapaligiran mo. Sa inyong opisina ba, halimbawa, sapat ang pasilidad at benepisyo para sa kababaihan? Maraming mga kababaihan ang nagsasabi na hindi sapat. Kulang ang mga breastfeeding stations sa kanilang mga pinagtatrabuhan maging sa mga pampublikong lugar. Marami ring mga kababaihan ang nagsasabi na kulang ang mga daycare centers sa ating bayan. Dahil dito, maraming mga ina ang nahahadlangan ang pagkakataon na makakuha ng trabaho kung nais nila.
Marami ring mga kababaihan ang nakakaranas ng panggigipit sa loob mismo ng kanilang tahanan. Sa mga pumili na maging stay at home, kadalasan, nararanasan nila ang mga araw na ni walang pahinga o paligo man lang. Ang pag-alaga ng mga anak ay full-time job, ngunit inaasahan natin na sila pa gagawa ng gawaing bahay at magsisilbi pa sa ibang kasama sa kanilang tahanan.
Marami ring mga kababaihan ang nakakaranas ng karahasan. Sa katunayan, ang karahasan sa kababaihan ay isa sa pinakamalaki at pinakamadalas na problema ng bayan. Ayon nga 2017 National Demographic and Health Survey, isa sa apat na Filipina na may edad 15-49 ay nakaranas na ng pisikal, emosyonal at sekswal na karahasan mula sa kanilang asawa o partner.
Ang mga ito ay sistemikong paglabag sa karapatan ng mga kababaihan, mga paglabag na nagtatanggal ng kanilang kumpyansa sa sarili at kinukulong sila sa buhay na karalitaan at karahasan. Hindi ito makatao. Hindi ito maka-Diyos.
Ang kawalan ng respeto sa babae ay kawalan ng respeto sa sangkatauhan. Ayon kay Pope Francis sa kanyang 2020 New Year’s Message: Women are sources of life. Yet they are continually insulted, beaten, raped, forced to prostitute themselves and to suppress the life they bear in the womb. Every form of violence inflicted upon a woman is a blasphemy against God, who was born of a woman.
Sumainyo ang Katotohanan.