283 total views
“Anong uri ng mundo ang ating iiwan sa mga susunod sa atin, sa mga batang ngayon ay lumalaki pa lamang? Ang tanong na ito ay hindi lamang ukol sa kalikasan; hindi pwedeng pa-patse patse o piecemeal ang tugon sa isyu na ito. Kapag tinatanong natin ang ating sarili kung anong uri ng mundo ang ating iiwan, kailangan nating makita na ang nakataya dito ay ang ating dignidad.”
Kapanalig, ang mga katagang iyan ay mula sa Laudato Si ni Pope Francis. Akmang akma ang ang mga salitang ito sa ating panahon ngayon dahil may mga pag-aaral na nagsasabi na ang mga batang pinanganak nitong 2020 ay mas maapektuhan na ng climate change kaysa sa kanilang mga lolo at lola.
Ayon sa isang report mula sa Save the Children, ang banta ng climate change sa mga bata ngayon ay hindi lamang isang teorya. Ito ay totoo, urgent, o kagyat at kailangang harapin.
Ayon sa report, ang isang bata na pinanganak ng 2020 ay makakaranas ng doble ng dami ng wildfires, mas maraming crop failures (2.8 times), mas maraming tagtuyot (2.6 times), pagbaha (2.8 times), at mga heat waves (6.8 times) kumpara sa mga taong pinanganak noong 1960s. Ang mga batang mula sa mga low- and middle-income countries ang pinaka-maapektuhan nito. Mas mabigat ang sasaluhing trahedya ng mga bulnerableng bata sa mga lugar na ito.
Kapanalig, ang mga batang ito ay inosente. Kung ating susuruin, maliit lamang ang kanilang kontribusyon sa pag-init ng mundo pero pasan nila ang bunga nito. Hindi ba’t unfair, kapanalig? Bakit ang buhay nila ang madedehado dahil lamang sa kapabayaan ng kanilang mga ninuno?
Ang mabilisang pagtugon ng lipunan sa kapakanan ng susunod na henerasyon ang kailangan ngayon. Ang mga malakaki at industriyalisadong bansa ay kailangang tuparin ang kanilang tungkulin na bawasan ang kanilang mga emisyon na siyang nagpapa-init ng mundo. Kailangan nilang siguruhin na ang kinabukasan ng lahat ay magiging “low-carbon.”
Kapanalig, wala sa kamay ng mga maralitang bata ang sagot sa problema ng pag-init ng mundo, pero pasan nila ang lahat ng masasamang epekto nito. Kailagan nang masiguro ng mundo na hindi na tataas pa ang pag-init ng temperatura ng mundo ng 1.5 degrees celsius, at makakalahati na pagdating ng 2030 ang emissions o pagbuga ng greenhouse gasses. Ito lamang ang makakapag-tiyak na maiiwasan natin ang mga extreme o sukdulang epekto ng climate change.
Ang krisis na pangkalikasan ay panawagan ng pagbabago. Ayon nga sa Ladauto Si, “The ecological crisis is a summons to profound interior conversion.” Kapanalig, responsibilidad ng lipunan na siguruhing mamamana ng ating mga susunod na henerasyon ang gandang inalay ng Panginoon sa atin, hindi ang isang mundong nasira na dahil lamang sa ganid. Karapatan ng mga bata ang magkaroon ng mundong malusog at nagbibigay buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.