566 total views
Homiliya para sa Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon, 23 Hulyo 2023, Mat 13:24-43
Wala daw itinanim ang may-ari ng sakahan sa kuwento ni Hesus kundi mabuting binhi. Pero nang umusbong ang mga ito at magsimulang magbunga, lumitaw rin ang mga masamang damo. At nang ipaalam ito sa may-ari, mabilis niyang natukoy kung ano ang pinagmulan nito: “Nasalisihan tayo ng kaaway.”
Sino ang tinutukoy niyang kaaway? Bakit alam niyang kaaway ang may kagagawan nito? Ano ang pamamaraan ng kaaway? Dalawang pamamaraan ang bigyan natin ng pansin sa ating pagninilay: Una, ang kaaway mahusay humanap ng pagkakataon. Pangalawa, magaling siyang kumilos sa pamamagitan ng maliliit na bagay o mga bagay na ipinagwawalang-bahala natin.
Sa unang talinghaga, ayon sa kuwento, nasalisihan sila ng kaaway habang natutulog at walang nakabantay. Ganyan kung kumilos ang diyablo. Sinasamantala ang pagkakataon para gawin ang kanyang masamang balak na pasalisi at walang nakakapansin.
Naalala ko tuloy iyung gabi bago inaresto si Hesus sa Bundok ng Olibo, sa hardin ng Gethsemane. Sinabihan daw niya ang tatlong alagad na kasama niya—sina Pedro, Santiago at Juan na manatiling gising at magbantay. Pero nakatulog sila. Tatlong beses silang binalikan pero kahit paulit-ulit silang pinaalalahanan, lagi silang nakakatulog.
Wala namang masama sa pagtulog, lalo’t kapag pagod ang tao. Pero kung security guard ka at trabaho mo ang magbantay, inilalagay mo sa panganib ang binabantayan mo kapag tinulugan mo ang pagbabantay. Ito ang unang dapat tandaan tungkol sa pamamaraan ng kaaway. Lumulusob siya kapag kampante ka at hindi nakabantay. Kumbaga sa virus, umaatake kapag mababa ang resistensya ng katawan. Ganyan din ang dimonyo. Mahusay tumyempo.
Kaya siguro nasabi ni Hesus sa mga alagad, sa Mk 14:38, “Magmanman kayo at manalangin para hindi kayo matalo sa pagsubok. Kung minsan sang-ayon ang espiritu ngunit mahina ang laman.” Kung kailangan ng katawan ng pagsasanay para maging malakas, ganyan din sa kaluluwa. Ang sanay sa pananalangin at pangingilatis ay hindi kaagad mapapabagsak ni Satanas.
Dumako na tayo ngayon sa pangalawang paraan na madalas ding gamitin ng diyablo at dapat nating tandaan para maiwasan ang pagkahulog sa bitag ng kaaway: huwag ipagwalang-bahala ang mga maliliit na bagay. May dalawa pang karugtong na talinghaga sa mas mahabang version ng ebanghelyo: ang butil ng mustasa at ang lebadura. Ang mustasa pala noong panahong iyon ay tinuturing din na parang masamang damo. Ang problema, porke’t maliit lang ang mga buto nito, aakalain mo na wala namang perwisyong pwedeng idulot. Mali. Kahit isang binhi lang ang tumubo at mamulaklak at magbunga, libo-libong mga binhi ang pwedeng ilabas nito. Hindi lang pamumugaran ng mga ibon ang mustasa. Pag kinain ng mga ibon ang mga binhi nila, ikakalat nila ang mga ito kung saan saan hanggang sa di mo na masupil ang pagdami nila. At aagawin ng mga ito ang sustansya ng lupa na parang masamang damo rin.
Ganoon din sa lebadura. Ano nga ba naman ang magagawa ng kakarampot na lebadura? Ay malaki. Mapapaalsa nito ang buong masa ng harina. Huwag mong maliitin, matindi rin siya kung tumrabaho, tulad ng diyablo. Ganyan ang kasamaan sa mundo. Mahusay tumrabaho sa pamamagitan ng akala natin ay maliliit at walang kuwentang bagay. Kaya siguro nasabi minsan ni Hesus, “Mag-iingat kayo sa lebadura ng mga eskriba at Pariseo.”
Isa sa mga paborito kong libro tungkol sa pag-unawa sa mga pamamaraan ng diyablo ay isinulat ni CS Lewis, and “Screwtape Letters”. Si Satanas daw ay nagpakadalubhasa sa pag-unawa sa human psychology. Siyempre dahil misyon niya ang mapabagsak tayo, alam niyang samantalahin ang mga kahinaan natin. Minsan ikukundisyon niya tayo na masanay sa masamang gawain sa pamamagitan ng pagwawalang bahala maliliit na kasalanan (venial sins).
“Konting kasinungalingan lang naman, konting pangungupit, konting kaharutan, konting tsismis.” Minsan mangangatuwiran pa nga tayo nang ganito, “Hindi naman ako pumapatay o nagnanakaw.” Sa di mo nalalaman, ang tinatawag mong maliliit na kasalanan ay nagiging “pattern of behavior” na; nakakasanayan o nagiging kalakaran. Kaya siguro nasabi minsan ni Hesus, “Ang hindi mapagkatiwalaan sa maliit na bagay ay hindi rin pagkakatiwalaan sa mas malalaki.” Lahat ng malaki ay nagsimula sa maliit.
Simple lang ang punto ni Hesus sa talinghaga. Ang kaaway na tinutukoy niya ay hindi kapwa-tao kundi si Satanas; siya lang naman ang itinuro sa atin na itakwil, di ba? Sabi ni San Pablo, “Hindi laman at dugo ang kaaway natin sa mundo.” (Efeso 6:12) Ibig sabihin, walang binhi ng masamang damo na galing sa Diyos. Walang likas na masamang tao dito sa mundo, kahit lahat ng tao may kakayahang makagawa ng masama. Ang mabuting binhi at masamang damo sa kwento ay hindi tungkol sa labanan ng mabuti at masamang tao. Ang tinutukoy niyang labanan ay labanan ng kabutihan at kasamaan na pwedeng mangyari sa ating lahat, sa lahat ng tao at sitwasyon. Laging may tensyon o tunggalian sa pagitan ng Diyos na nagtatayo ng kanyang kaharian at kay Satanas na sumasabotahe sa plano ng Diyos.
Lahat tayo ay pwedeng saniban at paglaruan ng diyablo. Kaya dapat lang na tayo’y maging mahabagin kahit sa mga nakakasakit sa atin. Laging isaisip— “baka may pinagdadaanan, baka wala sa sarili, baka napo-possess…”.
Tandaan, kahit matalino ang dimonyo, di hamak na mas matalino ang Diyos. At dahil tayo ay nilikha sa wangis niya, pwede rin tayong umunlad sa espiritwal na talino kung magsasanay tayo.