528 total views
Ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang kagyat na pamamaraan ng lokal na pamahalaan sa Bicol region at diyosesis bilang paghahanda sa mga sakuna at kalamidad.
Ayon kay Bishop Baylon, una nilang inihahanda ang mga evacuation centers para sa mga maapektuhan ng anumang kalamidad.
Partikular na tinukoy ni Bishop Baylon ang pagpapatayo at pagtatalaga sa rehiyon ng mga evacuation centers na tutuluyan ng mamamayan sa oras ng mga kalamidad at sakuna.
“We have learned to develop a method na ganito as soon as [may mangyaring kalamidad o sakuna] may evacuation center kaagad and in fact maraming municipalities ngayon and cities who have already built evacuation centers para may pupuntahan kaagad itong mga families [na maapektuhan] lalong lalo na kapag bagyo.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Ibinahagi ni Bishop Baylon ang kanilang kagyat na pamamaraan matapos ang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan.
Sa online program ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na may titulong “Narito Ako, Kaibigan Mo!”, inihayag ni Bishop Baylon na hindi naramdaman sa Alba yang naganap na phreatic eruption ng bulkan noong Linggo ika-5 ng Hunyo, 2022.
Ayon sa Obispo, bukod sa simoy ng hangin ay aabot din sa mahigit 50-kilometro ang layo ng Legazpi, Albay sa bulkang Bulusan na matatagpuan naman sa Sorsogon.
“We hardly felt it itong pagsabog ngayon ng bulkan [Bulusan] kasi siguro nasa mga more than 50-kilometers din ang layo ng Bulusan sa amin.” pahayag ni Bishop Baylon.
Batay sa monitoring ng Caritas Sorsogon, tinatayang nasa 45 pamilya o mahigit sa 150 indibidwal ang lumikas sa mga evacuation center sa bayan ng Juban matapos maapektuhan ng phreatic explosion ng bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa kasalukuyan nakataas pa din sa ang alert level 1 sa bulkang Bulusan kung saan patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometers permanent danger zone at pinag-iingat din ang mga residente sa paligid.