188 total views
Kinakailangang magkaroon ng pagbabago sa paraan ng pagsugpo ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ito ang binigyang diin ng sangay ng Amnesty International sa Pilipinas sa patuloy na karahasang dulot ng kampanya na tinaguriang War on Drugs.
Ayon kay Amnesty International Philippines Human Rights Officer Wilnor Papa, kailangang magkaroon ng paradigm shift sa paraan ng pagsugpo ng pamahalaan sa ipinagbabawal na gamot upang ganap na magkaroon katarungang panlipunan.
“Ang kailangan po ay hustisya, ang kailangan po ay pagbabago na magkaroon ng paradigm shift, pero mula umpisa hanggang huli ang gusto nila ay patayan, ang gusto nila ay cover-up, ang gusto nila ay patuloy na pananakot kaya sa tingin ko gustuhin mo mang maging hopeful pero judging from what the administration has continuously said and has continuously proclaim ang hirap na maging hopeful talaga…” pahayag ni Papa sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nagpahayag ng pangamba ang Amnesty International Philippines sa muling pag-igting ng karahasan sa bansa matapos tanggalin si Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Nagpahayag din ng pagkabahala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman, CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa pagpapatuloy ng mga serye ng pagpaslang sa kampanya kontra iligal na droga.
Samantala, inaasahan namang sa susunod na taon ay magtatapos ang preliminary examination o paunang pagsusuri ng International Criminal Court (ICC) sa marahas na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga sa Pilipinas.