197 total views
Inihayag ng dating Opisyal ng Pamahalaan ang pagbabantay ng mga Human rights group sa tuluyang pagpapataw ng habang buhay na pagkabilanggo kay Retired Army Major General Jovito Palparan at dalawa pang Army Officials.
Kaugnay ito sa kaso ng pagkawala ng dalawang Estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan 12 taon na ang nakakalipas.
Ayon kay dating Anakpawis Representative at Deparment of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, masusing binabantayan ng human rights group ang pinangangambahang pagbibigay ng pardon sa kilalang Heneral na itinuturing na “Berdugo” ng mga nagsusulong sa karapatang pantao sa bansa.
“Ang binabantayan ngayon ay yung hindi kaya bibigyan ng pardon si Palparan, palagay ko po ay napakalakas ngayon palang ay tumututol na ang lahat ng mga human rights advocates and human right defenders na bigyan ng pardon si Palparan.” pahayag ni Mariano sa panayam sa Radyo Veritas.
Giit pa ng dating Opisyal, ang naging hatol kay si Palparan ay hindi lamang patunay sa kanyang pagiging guilty sa pagkawala ng 2-estudyante ng UP kundi maging sa lahat ng mga nawala at napaslang sa mga lugar kung saan siya nadestino sa bansa.
“Maituturing nating isang welcome na resulta yung naging verdict kay Heneral Palparan, diba yung kaso 12-taon din yun na kaso ay kidnapping and serious illegal detention at masasabi nating yung verdict na yun ng guilty si Palparan ay nagpatotoo lang na talagang siya ay may sala at malalakas ang ebidensya at testimonya ng mga testigo laban sa kanya…” pahayag ni Ka Paeng sa Radio Veritas
Makalipas ng 12-taon ay guilty ang naging hatol ng Malolos Regional Trial Court kay Palparan at dalawa pang army officials kaugnay sa pagkawala nina Empeno at Cadapan noong 2006 na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Kasama sina Lt. Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgardo Osorio ay hinatulan si Palparan ng habang buhay na pagkabilanggo dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention kina Empeno at Cadapan.
Sa ilalim ng desisyon ni Malolos Regional Trial Court (RTC) Judge Alexander Tamayo ay ipinag-utos ng hukom na ilipat na sa New Bilibid Prison ang tatlong akusado mula sa kanilang Custodial Center sa Fort Bonifacio.
Naunang nanawagan at umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan maging sa mga nagkasala.