181 total views
Ang pagbubuo ng Kristyanong pamayanan ay magkatuwang na tungkuling ginagampanan ng mga Pari, Layko at ibang mga lingkod ng Simbahan.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Enrico Martin Adoviso – kura paroko ng Most Holy Trinity Parish sa Balic Balic kaugnay sa tema ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo o Kapistahan ng Santisima Trinidad na ‘Ang Pari at Laiko, Magkadaupang-palad sa pagbuo ng Pamayanan ng mga Disipulo’.
Ayon kay Fr. Adoviso, hindi lamang ang mga Pari at iba pang mga lingkod ng Simbahan ang siyang bumubuo ng Kristyanong pamayanan sa halip ay katuwang o kadaupang palad ng mga ito mga layko na siyang nagbibigay buhay sa naturang pamayanan.
“Kasi yung Pari saka yung Layko magkasama naman talaga sila sa pagbubuo ng pamayanang Kristyano at the same time hindi lang yung Pari ang nagbubuo ng Kristyanong pamayanan kundi magkadaupang palad yung layko para yung Kristyanong pamayanan ay maging buhay at the same time…” Pahayag ni Fr. Adoviso sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ng Pari, bahagi ng pagpapatatag ng parokya ng Most Holy Trinity Parish sa batayang pamayanan na ninanais ng Panginoon ay ang pagbubuo ng Basic Ecclesial Communities (BEC).
Ayon kay Father Adoviso, hindi lamang nakasentro sa mismong Simbahan ang pakikisangkot at pakikilahok ng mga mananampalataya sa misyon na iniatang ng Panginoon sa halip ay sa mismong kumunidad maging sa mga iskinita at kalye ng mga barangay.
“Dito kasi sa Holy Trinity ay nagbubuo kami ng mga batayang pamayanan itong BEC kaya ang Simbahan para sa amin ay hindi lang Simbahang bato kundi yung mga maliliit na Kristyanong pamayanan na itinatag sa mga kalye, sa mga iskinita, sa mga pamayanan…” Pagbabahagi ni Fr. Adoviso.
Taong 2016 ng inilunsad ng Simbahan ang Taon ng BEC sa pamamagitan ng Year of the Parish as Communion of Communities bilang ika-lima sa siyam na taong paglalakbay para sa paghahanda ng Katolikong Simbahan sa bansa sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.