970 total views
Nagkaloob ng tulong sa may 1,000 pamilyang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng Habagat noong nakaraang linggo ang San Isidro Labrador Parish na nakasasakop sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Gilbert Billena ang Parish Priest ng San Isidro Labrador Parish ang distribution ng relief goods para sa mga residenteng naapektuhan ng sama ng panahon.
Umaasa ang Pari na tumimo sa isip ng bawat residente sa barangay na ang usapin ng pananampalataya ay usapin din ng pagkilos para sa kapakanan ng inang kalikasan at kapwa tulad ng layunin ng disaster preparedness program ng parokya.
Ipinaalala ng Pari na dahil sa pagsasawalang bahala ng marami sa kalikasan ay hindi lamang ang kanilang sarili o ang kanilang pamilya ang napapasama kundi ang buong kumunidad.
Dahil dito, binigyang diin ni Fr. Billena na kung hindi man ganap na maiwasan ang pagbaha o iba pang mga kalamidad ay dapat na maging handa ang bawat isa upang maibsan ang epekto nito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga Disaster Preparedness Programs.
“Ito yung pinapaabot natin lalo na sa ating mga kapwa Kristyano na talagang ang usapin ng pananampalataya ay usapin din ng pagkilos para sa pagtatanggol ng ating kapwa at ng ating inang kalikasan at saka importante yung disaster preparedness program ng ating kumunidad, dahil yun nga maraming walang kibo o kaya nagsasawalang bahala yun mga bagay nay un sa kanilang buhay na dapat i-inculcate sa kanila yung attitude ng preparedness o kahandaan lalo sa panahon ng tag-ulan…” pahayag ni Father Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Sinabi ni Father Billena na dapat malaman ng bawat isa na ang pagtindi ng epekto ng mga kalamidad ay dulot ng pagbabago ng klima na kasalanan ng tao dahil sa pagkakalat ng mga basura, pagto-troso at pagiging makasarili ng mga negosyante na nagtatayo ng mga istruktura sa mga lupang agrikultural.
Dahil dito hinimok ni Fr. Billena ang bawat isa na makibahagi sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na pangalagaan at ipagtanggol ang kalikasan sapagkat mayroong direktang epekto ang pagkasira nito sa buhay ng mamamayan.
“Dapat malaman ng mga tao lalo na yung usapin ng climate change, usapin ng environment na talagang sirang sira na at panawagan ni Pope Francis na kalingain yung ating kalikasan, ipagtanggol natin ang kalikasan dahil sinasabi na kapag sinasaktan natin ang kalikasan, sinasaktan din natin ang ating kapwa lalo na ang mga mahihirap…” Dagdag pa ni Fr. Billena.
Ang Barangay Bagong Silangan sa Quezon City ay malapit sa Tumana River na kadalasang umaapaw at tumataas ang tubig tuwing matindi ang pag-ulan tulad ng naganap noong nakalipas na linggo dahil sa hanging Habagat at Bagyong Karding.