265 total views
Muling nanawagan sa pamahalaan ang Philippine General Hospital Chaplaincy kaugnay sa kakulangan ng healthcare workers sa mga ospital sa gitna ng coronavirus pandemic.
Ayon kay PGH Chaplain head at Jesuit priest Marlito Ocon, nawa’y dinggin na ng Administrasyong Duterte ang matagal nang hinaing ng mga healthcare workers na pahinga at makakatuwang sa paglutas sa pandemya.
Aniya, lubos nang nahihirapan ang mga medical frontliners dahil sa labis na oras ng pagtatrabaho dulot ng kakulangan sa mga empleyado sa mga ospital na nagiging sanhi na rin ng pagkakasakit.
“Sana po pakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga healthworkers na hanapan ng paraan… Sana matugunan din nila kung ano ba talagang problema at hindi sila maka-hire ng mga pansamantalang hahalili sa mga nagkakasakit na medical workers,” pahayag ni Fr. Ocon sa Radio Veritas.
Giit ng Pari na tila walang konkretong solusyon ang pamahalaan hinggil sa suliranin ng sektor ng kalusugan kaya’t magpahanggang-ngayon ay nahihirapan ang bansa na malunasan ang umiiral na pandemya.
“So, parang madalas ang sagot ay wala talaga. Parang hinayaan na ganon na wala talagang magawa. Kung totoo man na wala talaga e magsa-suffer talaga tayong lahat,” giit ng Pari.
Nauna nang sinabi ni Fr. Ocon na hindi na takot sa virus ang kalaban ng mga health workers, kundi ang pagkapagod sa misyong lunasan ang karamdaman ng mga pasyenteng lubos na apektado ng COVID-19.
Ayon sa tagapagsalita ng ospital na si Doctor Jonas del Rosario, nasa halos 400 empleyado nito ang nagpositibo sa virus.
Samantala, kasalukuyan ding nasa 300 na ang COVID-19 patients sa PGH kung saan 25-porsyento rito ang nakakaranas ng mild symptoms, 35-porsyento ang moderate, 20-porsyento ang severe, at 10-porsyento naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Habang naitala naman ng Department of Health ang 34,021 na panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa dahilan upang umabot sa 237,387 ang aktibong kaso.