40,164 total views
Naniniwala si Fr. Flavie Villanueva, SVD na mahalagang ipanalangin ang seguridad at kaligtasan ni dating Senator Leila De Lima.
Ito ang bahagi ng pahayag ng Pari, founder ng Arnold Janssen Kalinga Foundation na may programang Paghilom para sa mga biktima ng marahas na War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte at nagsilbi ring spiritual adviser ng dating mambabatas matapos makalaya makalipas ang halos pitong taong pagkakakulong.
Ayon sa Pari, mas higit ng lantad sa karahasan at kapahamakan si De Lima matapos na makalaya kaya naman mahalagang ipanalagin ang kanyang kaligtasan at seguridad.
Tinukoy ni Fr. Villanueva ang libu-libong nasawi sa marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte na nagdulot ng takot sa mga mamamayan.
“Yung panalangin, isa lang, yung kaniyang safety and security. Yung kaniyang seguridad at kaligtasan, dahil sabi ko nga yung nagpakulong sa kaniya, wala namang iba kundi si Duterte ay nagpapapatay ng walang dahilan, ngayon na alam niya na lumaya ang isang tao na kinakatakutan niya, ay naiisip ko at hindi malayong isipin na magkakaroon siya ng dahilan na magpapapatay… Dahil nung nagpapatay siya ng libu-libung tao sa giyera kontra sa droga, there was really no threat, the war on drugs was just an excuse to inflict fear and that was the only reason that thousand were killed.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Villanueva sa Radio Veritas.
Matatandang makalipas ang halos pitong taong pagkakakulong ay tuluyan ng nakalaya si De Lima noong ika-13 ng Nobyembre, 2023 matapos na payagan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang paglalagak ng piyansa na nagkakahalaga ng P300,000 kasama ang iba pang mga akusado na sina former Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu, dating driver-body guard Ronnie Dayan, police asset Jose Adrian Dera at security aide Jonnel Sanchez.
February 2017 ng sampahan ng kaso at arestuhin si De Lima kaugnay sa kasong may kinalaman sa illegal na droga, kabilang na ang alegasyon ng pagbebenta ng illegal na droga ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison upang pondohan ang kanyang kandidatura bilang senador noong 2016.
Sa kasalukuyan, isa na lamang sa tatlong kaso ang kinakarahap ni De Lima, matapos na mapawalang sala ng hukuman sa ilan pang mga naunang kasong kinasangkutan dahil na din sa pagbawi ng mga testimonya ng mga testigo na una ng nagdiin sa dating mambabatas.
Una ng nagpahayag ng suporta at pabati ang ilang mga opisyal ng Simbahang Katolika sa paglaya ni De Lima na naniniwalang hindi kailanman maitatago o maikukulong ang katotohanan at katarungan na dapat na manaig sa lipunan.