333 total views
Hindi lamang para sa kapakanan ng mga kabataan ang ipinatutupad na curfew sa mga lansangan.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Conegundo Garganta – executive secretary ng CBCP–Episcopal Commission on Youth, kaugnay sa mas mahigpit na implementasyon sa kasalukuyan ng curfew sa bansa alinsunod na rin sa isinusulong ni President-elect Rodrigo Duterte.
Paliwanag ng pari, makatutulong rin ang naturang polisiya upang muling maibalik ang disiplina at tamang paggamit ng bawat isa sa oras.
“So magandang ito ay muling ibalik ang patakaran ito hindi lamang para sa mga kabataan kundi maging para sa lahat, magkaroon ba ng tamang gamit ng oras at disiplina sa oras at ang mga tao aty dapat nasa kanilang tamang lugar sa tamang oras…” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, umaasa naman si Fr. Garganta na masusing pag-aaralan ng mga otoridad ang parusang ipapataw para sa mga lalabag sa ipatutupad sa curfew upang mas maging epektibo ang layunin ng mahigpit na implementasyon sa naturang polisiya.
Paliwanag ng pari, hindi lamang ang pagpaparusa sa mga lalabag sa batas ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga otoridad kundi maging ang maayos na pagbabahagi ng layunin nito para sa kapakanan ng mga mamamayan sa lipunan.
“’Yung tungkol siguro sa paraan ng sanction, ‘no? Kung magkaroon ng hindi pagsunod sa patakaran, siguro ang ating mga nasa katayuan o kakayahan naman tungkol sa batas ay pag-aralan ng mas malawak ito kung papaano nga na ang magiging bunga nito ay maayos na pagsunod at disiplina para sa lahat ng mamamayan at hindi lamang para sa mga kabataan…” dagdag pa ni Fr. Garganta.
Una ng sinuportahan ng Philippine National Police (PNP) ang plano ni President-elect Rodrigo Duterte na pag-aresto o pagpapanagot sa mga magulang na mga menor-de-edad na lalabag sa ipatutupad na oras ng curfew mula alas-dyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw.
Nasasaad sa Juvenile Justice and Welfare Act na may pananagutan ang mga magulang sa anumang kasalanan o paglabag sa batas ng kanilang mga menor de edad na anak.
Bukod dito inaasahang makatutulong rin ang implementasyon ng curfew upang mabawasan ang kaso ng human trafficking sa mga kabataan.
Base sa 2013 Trafficking in Persons Report, umabot sa 227 kaso ng Human Trafficking ang naisampa sa Department of Justice, habang may 24 ang na-convict at nakasuhan dahil dito noong taong 2014.