185 total views
Umaasa si San Pablo Laguna Bishop Buenaventura Famadico na malutas ang naganap na pananambang sa San Pablo City nitong Lunes kung saan kabilang sa sugatan ang isang pari.
Ayon sa Obispo hindi kailanman katanggap-tanggap ang paggawa ng masama sa lipunan lalo na ang paghahasik ng karahasan kaya’t mariin nitong kinokondena ang nangyaring pananambang.
“Ipagdasal nalang natin na sana ay mahuli na yung salarin at magkaroon na ng justice ang mga biktima,” pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Batay sa ulat ng Provincial Police Office ng Laguna, lubhang nasugatan sa pananambang si Barangay Concepcion Councilor Richard Galit makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sakay ng motorsiklo habang nasugatan naman sa kaliwang balikat si Fr. Emil Larano na nasa kabilang lane ng tambangan ang sasakyan ni Councilor Galit.
Ayon kay Bishop Famadico nasa mabuting kalagayan na ang Pari at kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan sa lalawigan.
“He [Fr.Larano] was in the wrong place in the wrong time kasi iba naman yung tinatarget, nadamay siya,” ani ni Bishop Famadico.
Tiwala ang Obispo na pinaiigting ng pulisya ang imbestigasyon sa nasabing pangyayari upang madakip ang mga suspek at mapanagot sa batas ang mga salarin.
Mariing tinututulan at kinokondena ng Simbahang Katolika ang mga patayang nagaganap sa lipunan lalu na ang higit sa 20, 000 biktima ng hinihinalang extra judicial killing dulot ng war on drugs ng gobyerno na tila sinasamantala ng ilang na may personal na galit at itinuturing na kaaway.