469 total views
Opisyal na inilunsad sa Arcdiocese of Caceres ang kauna-unahang Parish-based Vaccination program sa Bicol Region na tinaguriang “Resbakuna Kaiba an Parokya”.
Naganap ang vaccination Drive sa Archdiocesan Shrine and Parish of St. Jude Thaddeus sa Concepcion Grande, Naga City na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Naga sa pangunguna ni Naga Mayor Son Legacion.
Ayon kay Rev. Fr. Francis Tordilla, Parish Priest ng Archdiocesan Shrine and Parish of St. Jude Thaddeus, ang Parish-based Vaccination Activity ay alinsunod sa tagubilin ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang bawat mamamayan sa COVID-19 virus.
Sinabi ng Pari na ang gawain ay isa ring kongkretong tugon ng Arkidiyosesis sa mga tinuran ng Santo Papa Francisco na ang Simbahan ay hindi isang museyo o pribadong tanggapan sa halip ay isang lugar para sa lahat lalo na sa mga nangangailangan.
Paliwanag ni Fr. Tordilla, ang Simbahan ay maituturing din na isang pagamutan na nagbibigay lunas hindi lamang sa mga may karamdamang pangkalusugan kundi karamdaman pag-espiritwal.
“Sabi nga ni Pope Francis ‘The Church is not a museum, the Church is not an office’, ang Simbahan is a field hospital and literally we are making our church a hospital today,” pahayag ni Fr. Tordilla.
Inilaan ang unang Parish-based Vaccination Activity sa dambana sa pagbabakuna sa mga 18-taong gulang pataas sa lugar habang nakatakda naman sa ika-30 ng Nobyembre ang ikalawang Vaccination Drive na nakalaan para sa mga kabataang edad 12-taong gulang hanggang 17-taong gulang.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Naga sa Arkidiyosesis ng Caceres sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa pagkamit ng herd immunity ng mga mamamayan ng Bicol region mula sa COVID-19 virus.