270 total views
Tiniyak ng Parish Priest ng Jolo Cathedral o Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu ang pagbibigay katarungan para sa mga biktima ng pagsabog sa Simbahan habang naganap ang banal na misa.
Ayon kay Rev. Fr. Jefferson C. Nadua, OMI dapat na mabigyang ng katarungan ang sinapit ng mga inosenteng biktima ng karahasan sa loob mismo ng cathedral.
Ipinapanalangin rin ng Pari ang kaligtasan ng lahat ng mga mananampalataya sa lalawigan kasunod ng naganap na pagsabog.
Umaapela rin ng panalangin si Fr. Nadua hindi lamang para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng mga mamamayan kundi maging para sa pagkamit ng katarungan at pagpapanagot sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa loob ng Simbahan.
“Medyo magulo pa ang utak ko ngayon, pero we pray for safety of those who are wounded and we pray for na sana walang casualties sa mga parishioners natin na nandoon then we’ll see to it to bring justice doon sa nangyari sa kanila, so far yun lang muna dahil medyo magulo pa.. Pray for us…” pahayag ni Father sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa inisyal na mga impormasyon, dalawang pagsabog ang naganap sa Jolo Cathedral pasado alas-otso ng umaga sa kasagsagan ng Banal na Misa.
Ayon sa Philippine National Police – ARMM, naganap ang dalawang pagsabog sa entrance at sa loob mismo ng Simbahan kung saan batay sa pinakahuling tala umabot na sa 21 ang nasawi sa naganap na pagsabog habang nasa mahigit 70 naman ang sugatan.
Ayon sa Catholic Directory of the Philippines may aabot sa 29,500 ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Apostolic Vicariate of Jolo mula sa mahigit 1.7-milyong kabuuang populasyon sa lugar.