1,506 total views
Pinagbubuklod ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang magkakalapit na parokya at mission stations upang higit na mapaglingkuran ang mananampalataya.
Batid ni Bishop Pabillo na balakid ng Apostolic Vicariate of Taytay ang magkakalayong lugar ng mga isla at ang kawalan ng sapat na access sa internet upang mabilis maabot at matugunan ang pangangailangan ng kawan.
Pinangkat ng obispo ang mga simbahan kung saan nagtalaga ng coordinator na mangangasiwa sa bawat distrito.
“Para sa maayos na pamamahala at pagsuporta sa lahat, ang ating bikaryato ay hinati natin sa mga distrito; pinagsama-sama natin ang mga Parokya at Mission Stations na malapit-lapit sa isa’t isa,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Tungkulin ng bawat coordinator na makipag-ugnayan sa mga pari at lay leaders na nasasakupan para matiyak ang pagkakaisa sa pagpatupad ng mga programa ng simbahan at masubaybayan ang bawat pangangailangan at pag-unlad ng kawan.
“Pupulungin ko rin ang mga coordinators upang magkaisa din ang pagkilos bilang bikaryato at upang madaling makita ang mga pangangailangan ng nakararami,” ani ng obispo.
Apela ni Bishop Pabillo sa mga pari at layko na makipagtulungan sa itinalagang coordinators upang maisabuhay ang synodal church.
“Ang pagbubuklod natin sa mga distrito ay isang paraan upang paigtingin itong sama-samang pagkilos natin bilang simbahan na Katawan ni Kristo,” giit ni Bishop Pabillo.
Ang bikaryato na kinabibilangan ng mga lugar sa Northern Palawan ay binubuo ng 23 mga parokya at walong Mission Stations na karamihan ay sa mga isla.
Si Bishop Pabillo ay itinalaga ni Pope Francis na punong pastol ng Taytay Palawan noong June 2021 at pormal na nailuklok noong Agosto ng kaparehong taon bilang kahalili ni Bishop Edgardo Juanich.